ISANG gobernador ang sasampahan ng kaso ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) dahil sa pang-iipit o hindi agad pag-release sa dokumentong dapat ilabas ng kanyang tanggapan.
Ito ang sinabi sa press briefing sa Palasyo kahapon ni ARTA Director General Jeremiah Belgica kasunod ng sumbong na nakarating sa kanila hinggil sa sinasabing pagbinbin sa paglalabas ng papeles na dapat i-release ng tanggapan ng gobernador.
Gayonman, hindi na muna ibinunyag ni Belgica ang pagkakakilanlan ng gobernador na kanilang aasuntuhin.
Kaugnay nito, sinabi ni Belgica, gagawin nila ang pagsasampa ng kaso sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na dawit sa red tape linggo-linggo.
Ilan aniya sa kanilang sinampahan ng kaso dahil sa red tape ay si San Nicolas, Batangas Mayor Lester de Sagun at dalawang kawani ng Registry of Deeds.
Nagbabala si Belgica sa mga opisyal ng pamahalaan na ipatupad nang maayos ang Ease of Doing Business Act upang hindi masampahan ng kaso.
ni ROSE NOVENARIO