TINIYAK ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala siyang isasamang bodyguard o alalay sa pagtanggap ng commute challenge ng mga militanteng grupo ngayong araw.
Ayon kay Panelo, mag-isa lamang siyang magpupunta sa LRT para maranasan ang kalbaryo ng mga ordinaryong pasahero.
Ngunit hindi niya tinukoy kung saan partikular na lugar o kung anong oras siya sasakay ng LRT pero gagawin daw niya ito sa rush hour.
Base sa hamon ni Bayan secretary general Renato Reyes, dapat sumakay si Panelo ng LRT sa rush hour o sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga pasahero.
Paliwanag ni Panelo, isang kahibangan o silly challenge ang ginawa ng militanteng grupo na kanya namang pinatulan o silly acceptance.
Pakikisimpatya aniya sa kalbaryo ng mga pasahero ang kanyang pagpatol sa hamon na commute challenge at wala siyang ibang nais patunayan.
Nag-ugat ang commute challenge nang itanggi ni Panelo ang pahayag ng mga militanteng grupo na may nararanasang mass transport crisis sa Metro Manila.
(ROSE NOVENARIO)