PABOR ang Palasyo sa labasan ng baho ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi nababahala ang Palasyo sa batuhan ng akusasyon ng matataas na opisyal ng PNP kaysa magtakipan.
“Hindi ba mas maganda nga iyon para lumalabas iyong baho sa isang organisasyon, ‘di ba? Kung may naglalabas diyan na kontra sa isa, iyong isa lumalabas din, e ‘di mas mabuti. Kaysa nagkakaisa sila at nagtatago, naglilihim,” tugon ni Panelo sa pag-usisa ng media kung nangangamba ang Palasyo sa pagkakaroon ng lamat sa PNP bunsod ng ninja cops controversy sa gitna ng kampanya laban sa illegal drugs.
Samantala, walang maibigay na update si Panelo kaugnay sa resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa limang narco-generals na isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang 2016.
Matatandaan, hindi mabilang kung ilang beses na minura ni Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati ang tinagurian niyang narco-generals na sina retired police generals Marcelo Garbo, Bernardo Diaz, Edgardo Tinio, Samuel Pagdilao, at ngayo’y Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.
Kamakailan ay ‘nagbiro’ si Pangulong Duterte na ‘inambus’ na niya si Loot ay buhay pa rin hanggang ngayon.
Dalawang beses nang tinambangan si Loot mula nang isabit ni Pangulong Duterte bilang narco-general.
ni ROSE NOVENARIO