NITONG 17 Setyembre 2019 nang isalin kay P/Col. Ronnie Montejo ni dating Quezon City Police District (QCPC) District Director, P/BGen. Joselito Esquivel ang pamunuan ng pulisya ng lungsod.
Sa talumpati ni Montejo bilang Acting District Director ng QCPD, aniya’y isang malaking hamon ang kanyang susuungin dahil ang dalawang sinundan niyang District Director, sina NCRPO Director, P/MGen. Guillermo Lorenzo Eleazar at Region 13 Director, P/BGen. Joselito Esquivel ay kapwa napanatili ang pagkakakilanlan sa QCPD – ang ”Best Police District” sa National Capital Region (NCR).
Nangako si Montejo na kanyang ipagpatuloy ang inumpisahang kampanya laban sa kriminalidad at droga ng dalawang opisyal. Aniya’y sisikapin niyang panatilihin ang katahimikan at kaayusan ng lungsod hindi lamang para mapanatili ang pinakamataas na parangal na natanggap ng QCPD kung hindi para sa seguridad ng mamamayan ng lungsod.
Tatlong linggo pa lamang sa QCPD si Montejo pero hindi na matawaran ang kaliwa’t kanang matagumpay na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad partikular sa ilegal na droga bunga ng pakikipagkaisa ng 12 estasyon ng pulisya, QC Hall Police Detachment at iba’t ibang operating unit na nakabase sa Kampo Karingal bilang suporta sa direktiba ni Montejo.
Katunayan, ang kampanya ni Montejo laban sa kriminalidad ay hindi lamang para sa seguridad ng lungsod kung hindi para na rin sa national security.
Sa pinaigting na kampanya, nagawang masawata ng QCPD ang masamang pinaplano ng lokal na terorista, Abu Sayyaf Group sa bansa o sa Metro Manila makaraang madakip ang isa sa lider ng terorista na nagtatago sa Quezon City.
Sa tulong ng impormante, nadakip ng tropa ni P/Maj. Rolando Lorenzo Jr., hepe ng QCPD – QC Hall Police Detachment, ang kilalang sub-leader ng ASG na si Ibrahim Lambog Mullo, 26. Nang madakip si Mullo, nagpakilala siyang si Agimar Abi Ahaja pero hindi siya nakalusot kay Lorenzo dahil una pa man ay kompleto na ang QCPD ng info hinggil sa katauhan ni Mullo, mula sa AFP Intelligence Group (IG). Si Mullo ay nakompiskahan ng hindi lisensiyadong kalibre .45 pistol at granada.
Ayon kay Montejo, si Mullo ay dumating sa Metro Manila noong Enero 2019 kasama sina Arnel Flores Cabintoy, alyas Musab, at Feliciano Mañas Sulayao Jr., alyas Abu Muslim, at kilala rin sa pangalang Rowel S. Adam.
Sina Cabintoy at Sulayao ay inaresto noong 15 Hunyo 2019, sa Brgy. Culiat, QC bunga ng kautusan laban sa mga nanguna sa rebelyon nang ideklara ang Martial Law sa Mindanao.
Ani Mullo, kalilipat lamang niya sa Quezon City mula Bulacan para asikasohin ang kapapanganak niyang misis.
Sa intelligence info ng IG, si Mullo ay ni-recruit sa ASG sub-group (Ajang-Ajang Group) ni ASG sub-leader alyas Pading noong 2017 sa Zambaonga City. Naenganyo siyang sumali sa ASG dahil sa pangakong P10,000 monthly allowance.
Inamin ni Mullo na maraming beses na rin siyang nakipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan sa Patikul, Sulu.
Iyan ang QCPD sa ilalim ni Montejo. Aniya’y hindi niya kayang higitan sina Eleazar at Esquivel at sa halip, nangakong gagawin niya ang lahat para sa bansa.
At heto nga, ang kampanya ni Montejo ay nagresulta sa pagkakahuli ng ASG leader sa pangunguna ni Lorenzo Jr.
Hindi small time ASG leader si Mullo kung hindi kilala niya ang tropa ng ASG suicide bombers.
Sa pagkakahuli kay Mullo, nasawata ng QCPD ang kung ano man ang planong pag-atake ng ASG sa Metro Manila.
P/Col. Montejo, P/Maj. Lorenzo, sampu ng bumubuo ng QCPD, congrats!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan