DAPAT magbitiw sa kanyang puwesto si Philippine Military Academy (PMA) superintendent Lt. Gen Ronnie Evangelista kasunod ng pinakabagong insidente ng hazing na ikinamatay ni Cadet 4th class Darwin Dormitorio.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay sa panawagan ng isang kongresista na dapat mag-resign si Evangelista bilang pinuno ng PMA.
Ayon kay Panelo, walang dahilan para manatili pa si Evangelista sa kanyang posisyon kung lalabas na hindi niya nalalaman ang mga nangyayari sa akademiyang kanyang pinangangasiwaan.
Bilang isang boss, may kapangyarihan si Evangelista na tiyaking walang nagaganap na hazing sa PMA.
Naniniwala rin ang tagapagsalita ng Palasyo na kailangan magkaroon ng top to bottom accountability partikular sa hanay ng pamunuan ng PMA.
Kung hindi man aniya kasong kriminal, dapat ay masampahan ng mga kasong administratibo.
(ROSE NOVENARIO)