KINILALA kamakailan ang limang huwarang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Komisyon sa Wikang Filipino sa nangyaring Pammadayaw noong 27 Agosto 2019 sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas.
Pinagkalooban ng natatanging ahensiyang pangwika ang Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura sa mga SWK na nása Aurora State College of Technology, Pangasinan State University, Sorsogon State College, Bukidnon State University, at Western Mindanao State University.
Naging batayan sa pagkakaloob ng gawad ang pakikiisa sa mga programa at proyekto ng KWF, inisyatiba, aktitud, at mga parangal ng mga SWK.
Tinanggap ng mga direktor ng SWK ang parangal kasama ang kani-kanilang mga pangulo.
Dumalo ang higit 200 alagad ng wikang Filipino sa Pammadayaw na taunang pasasalamat ng KWF tuwing Buwan ng Wika.
Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino ang naging tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na pakikiisa rin sa pagtatalaga ng UNESCO sa taong 2019 bilang taon ng mga katutubong wika.
Pinagpugayan rin sa araw ng gawad ang mga nagwagi sa timpalak ng KWF, pati na ang mga Kampeon at Dangal ng Wika.
Sa kasalukuyan, may 41 SWK ang KWF sa buong Filipinas. Ilan sa pinangungunahan ng SKW ang pagsasanay para sa mga guro sa Filipino, pagpapatayo ng mga Bantayog- Wika, at pangunguna sa mga pananaliksik sa wika at kultura ng kanilang pook.
Para sa mga pamantasan, publiko o pribado man, na nais magkaroon ng SWK, maaaring makipag-ugnay sa [email protected].