KINONDENA ng Palasyo ang pananambang kamakalawa kay dating Pangasinan Governor at ex-Representative Amado Espino, Jr. sa Barangay Magtaking, San Carlos City.
Sa kalatas ay sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang puwang sa demokratikong lipunan ang nangyaring tangkang pagpatay sa dating gobernador.
Tiniyak ni Panelo, kumikilos ang mga awtoridad at hindi titigil sa pagtugis sa mga nasa likod ng tangkang pagpatay.
Napatay sa insidente si PO3 Richard Esguerra, aide ni Espino habang stable na ang kondisyon ng dating gobernador.
Matatandaang naisama sa narco-list si Espino pero tinanggal din matapos na maberepikang hindi siya dapat na makabilang sa drug list.
Samantala, nagpahayag din ng pagkondena ang liderato ng Kamara sa ambush kay dating congressman Amado Espino sa San Carlos City na ikinamatay ng kanyang bodyguard.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez ng Leyte at Deputy Speaker Raneo Abu ng Batangas dapat managot ang mga salarin sa karumaldumal na pananambang.
“The House leadership under Speaker Alan Peter Cayetano condemns in the strongest possible terms the ambush incident. We appeal to our authorities to arrest those behind this dastardly act,” ani Romualdez.
Sa panig ni Abu, sinabi niyang walang puwang ang ganitong gawain sa isang demokratikong bansa.
“This deplorable act of violence has no place in a democratic society like ours,” giit ni Abu.
“Our authorities should relentlessly pursue and arrest the suspects and mastermind,” ani Abu.
Ayon sa ulat na nakarating sa opisina ni Abu, matindi ang tama ng bala kay Espino pero nasa “stable condition” sa ngayon sa isang ospital sa San Carlos City kung saan siya dinala matapos ang ambush nitong Miyerkoles dakong 4:00 pm.
Maliban sa pagkakatagpo sa dalawang kotse na ginamit ng mga assassin, hindi pa natutukoy kung sino ang mga salarin.
(ROSE NOVENARIO/GERRY BALDO)