“BILIB ako sa kanya, mas mahusay siya sa akin.”
Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa performance ni Manila Mayor Isko Moreno.
Ayon sa Pangulo, hinahangaan niya ang pagsusumikap ni Moreno sa pagganap ng kanyang tungkulin bilang alkalde ng Manila.
“May nakita ako na mas mahusay ang resolve niya sa akin. Plus two ako sa kanya,” dagdag ng Pangulo.
Nagpasalamat si Moreno sa magagandang sinabi ng Pangulo tungkol sa kanya.
Anang alkalde, inspirasyon niya ang Pangulo sa uri ng lideratong ipinatutupad niya sa Maynila.
“Thank you for the kind words, Mr. President, but to be really honest, isa po kayo sa mga naging inspirasyon ko sa kung ano mang klase ng liderato na mayroon kami,” ani Moreno.
Kuwento ng alkalde, kahit naninigarilyo siya, napipigil niya ito kapag nasa Davao City dahil takot siyang mahuli.
Mahigpit na ipinatutupad ang “no smoking” ordinance sa Davao City.
“Naalala ko po noong lagi akong nagagawi sa Davao noong araw. ‘Di naman po lingid sa kaalaman ng karamihan, lalong-lalo na ‘yung mga taga-Maynila na ako po ay naninigarilyo. Pero kapag nasa Davao City po ako, takot na takot po akong manigarilyo dahil alam ko pong huhulihin ako,” sabi ni Moreno.
Dagdag niya, hanga rin siya sa mahigpit na implementasyon ng 40 kph speed limit sa Davao City at ang pagsunod ng mga mamamayan sa batas kahit walang nakabantay na mga pulis sa kalye at kanit anong oras.
“In fact, there was one time, galing po kami ng Tagum, pabalik ng Davao City. Medyo disoras na ng gabi, pero biglang bumagal po ang takbo ng sasakyan namin so tinanong namin ‘yung driver kung bakit.
Simple lang ‘yung sagot niya, “Kasi po nasa Davao City na tayo. Kahit gabi ho rito, may pulis man o wala, sumusunod kami sa batas trapiko,” anang alkalde.
Ang klase aniya ng pamumuno ng mga lokal na opisyal sa buong bansa ay repleksiyon ng liderato ng Pangulo kaya’t ganoon na lamang ang pagpapasalamat niya sa inspirasyong ibinigay ni Pangulong Duterte sa kanila.
“So I think kung ano man ang nakikita nating pagpupursigi ng mga alkalde sa buong Filipinas, hindi lang po ako, ay reflection lamang ng klase ng liderato at Pangulo na mayron tayo. As I always say, it is not the severity of the punishment itself, but the certainty of getting caught that deters a person from committing a crime. So we owe it to you Mr. President, for inspiring us and for becoming a good example to all of us,” giit ni Moreno.
(ROSE NOVENARIO)