PINAGPAPALIWANAG ng Palasyo ang Department of Education (DepEd) hinggil sa pagkababad sa ulan ng mga mag-aaral na sumalubong kay Singapore President Halimah Yacob sa Malacañang kamakalawa.
“I will ask Secretary Briones,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo nang usisain ng media sa kaawa-awang sinapit ng mga mag-aaral na hinayaang mabasa ng ulan para salubungin si Yacob.
Naniniwala si Panelo na dapat ay may contingency plan ang DepEd para sa mga mag-aaral na pinapupunta sa Palasyo para sumalubong sa world leader upang maging handa sa pabago-bagong panahon.
Kamakalawa ay nanginginig sa ginaw ang halos 100 mag-aaral ng Pio del Pilar Elementary School sa Sta. Mesa, Maynila at Dr. Celedonio Salvador sa Paco, Maynila habang nakahilera sa JP Laurel St., mula Gate 2 hanggang Gate 4 ng Palasyo habang bumubuhos ang malakas na ulan sa paghihintay sa pagdating ni Yacob.
Naging kostumbre ng Palasyo na mag-imbita ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Maynila tuwing may panauhing world leader sa Malacañang.
Anang ilang nakasaksi sa sinapit ng mga bata, taliwas ito sa umiiral na batas na nagtatakda ng obligasyon ng estado na bigyan ng proteksiyon ang mga bata alinsunod sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
(ROSE NOVENARIO)