ARMADONG pakikibaka. ‘Yan ang pilit inihahasik ng mga komunistang rebeldeng CPP-NPA-NDF sa ating bansa. Ito rin ang isyu na bitbit nating mga Filipino sa loob ng 50-taon. Mahabang panahon na ang presensiya ng terorismo at insurhensiya na nakaugat sa baluktot na ideolohiya at nananatili sa ating komunidad. Pero sa pakikibaka na ito, ano ba ang nakamtan natin?
Hindi mabilang na buhay na ang nasayang dahil sa armadong hidwaan. Winasak nito ang katahimikan at kapayapaan sa mga komunidad gayon rin ang kultura ng ating mga katutubo. Kung maririnig at mauunawaan lang natin ang hinaing at mga karanasan ng ating mga kapatid na katutubo sa kamay ng mga NPA, maiisip natin na ang armadong pakikibaka ay walang saysay at patutunguhan.
Isama pa natin dito ang napakaraming kabataan na napaikot ng mga maling ideolohiya na isinusulong ng mga komunistang rebelde. Itong mga kabataan ang madalas at madali nilang mahikayat na maging taliwas sa gobyerno.
Gaya ng kuwento ni Josephine Lapira, 22 anyos, isang estudyante ng BS Biochemistry sa UP Manila at allegedly member ng women’s left-leaning group na Gabriela at napatay sa gitna ng enkuwentro ng NPA at mga militar sa Nasugbu, Batangas dalawang taon na ang nakararaan. Ang batang ito na may malaking pangarap na maging doctor ay ninakawan ng magandang kinabukasan.
At nitong Enero ng taong kasalukuyan, isang estudyante mula sa UP Los Baños na si John Carlo Capistrano Alberto ang hinihinalang sumali sa grupo ng NPA ay napatay din sa gitna ng enkuwentro ng armadong grupo at mga sundalo.
Isa itong konkretong halimbawa na marami sa mga kabataan na pag-asa sana ng ating bayan ay iminumulat at sinasanay sa maling pamamaraan ng paglaban para sa karapatan ng mamamayan. Ang nakalulungkot dito nagmistulang cycle na ito. Dahil kung titingnan natin ang cycle ay ganito ang nangyayari, una papasok sa armadong grupo at pagkatapos magkakaroon ng enkuwentro sa militar and then dalawa lang ang puwedeng mangyari. It’s either masugatan or worst case scenario, mamamatay sa gitna ng labanan.
Ito po ba ang gusto nating buhay para sa mga kabataan? Sa kabila ng pagsisiksik ng mga komunistang rebelde ng mga baluktot na ideolohiya sa mga kaisipan ng mga kabataan ay parang itinutulak na rin nila sa bingit ng kamatayan. Namamatay ang marami sa ating mga kababayan na may maling paniniwala na ang armadong rebolusyon ang solusyon sa mga problema sa ating lipunan. Hindi natin alam na sa likod ng mga problema na kailangan nating ayusin ay may konsepto ng pagkakaisa na dapat ay subukan natin.
Kasi sa lahat ng mga sakit na gusto natin gamutin, ang sagot ay tayo rin mismo. Hindi ang armadong pakikibaka. Hindi pag-aaklas. Hindi armas at dahas. Mayroon tayong mga mekanismo sa pamahalaan na nakadesenyong tugunan ang mga problema sa ating bayan. Ang kailangan lang natin gawin ay magtiyaga at magsumikap dahil ang paggamot dito ay hindi madalian bagkus ito ay nangangailangan ng ibayong pagkakaisa nating lahat.
Sa pagkakaisa nating lahat bilang isang bayan, dito walang buhay na masasayang. Walang balat na masusugutan. Sa prosesong ito, marahil ay maghihintay tayo. Pero tiyak na makakamtan natin ang kapayapaan na ninanais natin.
PALABAN
ni Gerry Zamudio