ITINUTURING ng Palasyo na banta sa lipunan ang halos 2,000 convicts na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ang dahilan kung bakit hindi alintana ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglaan ng pondong halos P2 bilyon para maibalik sila sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa press briefing kahapon, inihayag ni Panelo na kailangang may gawin ang pamahalaan upang matiyak ang proteksiyon ng bawat isa sa gitna ng paglaya nang halos 2,000 dating bilanggo na nakalabas sa Munti dahil sa GCTA.
Binigyang diin ni Panelo, sa nabanggit na bilang ng mga nakabenepisyo sa GCTA ay may nakalabas ng Bilibid na nasentensiyahan dahil sa karumaldumal na krimen.
ni ROSE NOVENARIO
4 ‘LAYA’ NA CONVICTED
SA HEINOUS CRIME
KUSANG SUMUKO
BOLUNTARYONG sumuko ang pinalayang inmate na kabilang sa 1,914 pinalaya sa ilalim ng Good Conduct Time & Allowance (GCTA) ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong nakaraang 11 Hulyo 2019.
Iniharap sa mga mamamahayag nina National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, PMGen. Guillermo Eleazar, Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Nolasco Bathan, at Pasay police chief P/Col. Bernard Yang ang napalayang convict na si Nicanor Naz, alyas Nick, 48 anyos, binata, na nasentensiyahan noong 3 Hunyo 1993 ng pagkakabilanggo habambuhay ng Pasay City Regional Trial Court (RTC).
Si Naz ay naharap sa kasong paglabag sa Section 15 ng Republic Act 6425 o Dangerous Drugs Act of 1972.
Nakulong sa Davao Prison and Penal Farm sa Davao Del Norte at kalalaya nitong 11 Hulyo, pagakatpos bunuin ang 26 taon sa bilangguan.
“Nalungkot ako nang mapakinggan ko ang sinabi ni Pangulong Duterte na binibigyan kami ng 15 araw na taning para sumuko,” ani Naz.
Handa rin daw siyang makulong muli kung ito’y ipag-uutos ng Pangulo na bawiin ang GCTA na ipinagkaloob sa kanila ng BuCor.
Nagtungo siya sa Pasay at agad niyang tinawagan ang pamangkin na si Elias at isinuko siya kay P/CMSgt. Jonathan Moreno, hepe ng warrant section.
Ayon sa NCRPO Chief, pansamantalang ikukulong si Naz sa detention cell ng Pasay City Police at mangangasiwa ang district director na si Bathan.
Samantala, apat pang convicts ang sumuko sa New Bilibid Prison (NBP) na kabilang sa GCTA pero pansamantalang hindi inihayag ang mga pangalan. Sinabi ni S/Insp. Eugenio Del Rosario tapagsalita ng NBP, ang apat na sumuko ay kabilang sa mga nasentesiyahan dahil sa heinous crime at mga beneficiary ng GCTA law.
(JAJA GARCIA)