PABOR ang Palasyo na gayahin ang “Malaysian experience” para supilin ang kilusang komunista sa Filipinas.
Sa press briefing sa Palasyo kamakailan, sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr., na kinakatigan niya ang panukalang buhayin ang Republic Act 1700 o ang Anti-Subversion Law upang maging ang mga kilalang prente ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ay masugpo ng mga awtoridad.
”I believe mas maganda po, it can ano… it can multiply the effect kasi unang-una, ‘yung mga organization na affiliated sa CPP-NPA ay definitely, we can curb them and we can… we can ano… we can… tinatawag nating issue warrants,” ani Galvez.
Inihalimbawa ni Galvez ang karanasan ng Malaysia sa paglaban sa komunismo sa kanilang bansa gamit ang Internal Security Act na pinahihintulutan ang warrantless arrest at preventive detention sa mga hinihinalang komunista kahit walang kasong nakasampa.
“So ‘yung RA 1700 napakaganda po ‘yun kasi kung tutuusin po ‘yung Malaysian ano… Malaysian experience, kanila pong naging puhunan para mabuwag nila ‘yung kanilang insurgency din is really ‘yung strong ano… very strong anti-terrorist at saka anti-communist na ano nila,” dagdag ni Galvez.
Batay sa mga ulat, ginamit ng Malaysian government ang ISA upang dakpin at ibilanggo hindi lamang ang mga komunista kundi maging ang oposisyon.
ni ROSE NOVENARIO