INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang kaso ng namatay na 27-anyos Chinese national na nahulog sa ika-anim na palapag ng isang gusali sa Pamplona Dos sa Las Piñas City noong Biyernes.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, nakababahala ang naturang ulat lalo’t nakaposas pa umano ang biktimang si Yang Kang.
Pinatutugis ng Pangulo ang supervisor ni Yang na sinasabing ginawang bilanggo ang biktima.
Nakaalarma aniya na dumadami ang kaso ng foreign workers na nakararanas ng pang-aabuso at illegal detention.
Hindi aniya palalampasin ng gobyerno ang naturang kalakaran sa kahit na sinumang dayuhan na nagtatrabaho sa bansa.
Hinihikayat ng Palasyo ang mga dayuhan na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kapag nakararanas ng pang-aabuso o nalalabag ang kanilang karapatang pantao.
(ROSE NOVENARIO)