BINUGBOG hanggang bawian ng buhay ang isang construction worker nang akusahang nagnakaw ng dalawang panty sa lungsod ng Tagbilaran, lalawigan ng Bohol, niong Martes ng gabi.
Kinilala ni P/Cpl. Joseph Elic ng Tagbilaran City Police Station ang napatay na piyon na si Jessie Chan Romorosa, 39 anyos, at residente sa Barangay Tupas sa bayan ng Antequera.
Ayon kay Elic, inimbitahan umano si Romosora sa bisperas ng pista sa Barangay Dampas noong Martes ng hapon, 30 Hulyo, sa bahay ng kaniyang kaibigang kinilalang si Dioscoro Daño sa Sitio Candait.
Dagdag ni Elic, nagpahinga si Daño mula sa kanilang inuman pasado 6:00 pm nang magkaroon ng gulo.
Nabatid na binugbog ng anak ni Daño na kinilalang si Jestoni, 28 anyos, si Romorosa, dahil nahuling nagnakaw ng panty sa mga nakasampay na labada sa loob ng bahay.
Tinangkang awatin ng matandang Daño ang kaniyang anak at humingi ng tulong mula sa mga barangay tanod.
Agad umalis ang nakababatang Daño matapos bugbugin si Romarosa.
Dumating ang mga tauhan ng Tagbilaran City emergency response unit upang madala sa pagamutan si Romorosa ngunit sa bahay ng mga Daño na siya binawian ng buhay.
Nabatid na tinamaan ang biktima ng isang matigas na bagay sa likod ng kaniyang ulo at sa kanang kilay.
Samantala, natagpuan ng mga pulis ang dalawang panty sa loob ng brief ng biktima.
Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya upang madakip ang tumakas na suspek.