NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na gobyerno ang mag-organisa ng 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa dahil sa alegasyon ng korupsiyon sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinabi sa kanya ni Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi na ayaw niya na PHISGOC ang humawak ng SEA Games sa Filipinas bunsod ng katiwalian.
Ang PHISGOC ay pinamumunuan ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, ang inendoso ng Pangulo na maging speaker sa 18th Congress.
“He (Duterte) said that he doesn’t want the foundation, gusto niya gobyerno. Sabi niya maraming korupsiyon diyan sa private kaya nasisira yung mga diskarte ng andiyan, kaya gusto niya gobyerno,” ayon kay Panelo.
Wala aniyang binanggit ang Pangulo na paimbestigahan ang PHISGOC at bahala na ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan sa usapin.
Gayonman, buo pa rin aniya ang tiwala ng Pangulo kay Cayetano.
ni ROSE NOVENARIO