NGAYON pa lang, mabuting huwag nang umasa si incoming Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na mapupunta sa kanya ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo.
Sa rami ng mga nag-aambisyong maging speaker ng Kamara at sa galing, makabubuting manahimik na lamang si Alan at pagtuunan ng pansin ang kanyang trabaho at kung paano matutulungan ang kanyang constituents.
Sa ngayon, maituturing na nasa ‘loob ng kabaong’ na ang pangarap ni Alan na maging Speaker. Ang pagbabanta ni Alan laban kay Davao City Mayor Sara Duterte ay hudyat para sabihing saling-pusa na lamang siya sa walong mambabatas na gustong maging lider ng Kamara.
Kung matatandaan, buong tapang na sinabi ni Alan na kung ibibigay ni Sara ang kanyang endorsement kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay mabubuwag ang alyansa o grupo ng kasalukuyang administrasyon.
Kung tutuusin, direktang pananakot ito ni Alan lalo pa nang sabihin niya na ang pagbibigay ng basbas kay Velasco ay makaaapekto sa darating na 2022 presidential elections.
Hindi ba’t si Sara ay isa sa lumulutang ang pangalan na tatakbo bilang pangulo?
Talagang magulo sa aparato itong si Alan. Kung tutuusin, kilala na ang kalibre ng taong ito at masasabing wala rin sa hulog sa tagal nitong naging mambabatas sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Tulad ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, si Alan ay walang maaasahang suporta mula kay Sara at Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Ibig sabihin, sa basurahan na ang dalawang mambabatas na ito at hindi magiging lider ng Kamara.
Tanging sina Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez ang mabigat na maglalaban at malamang ang isa sa kanila ay tanghaling Speaker of the House. Bukod kina Velasco at Romualdez, lumulutang din ang pangalan nina Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Davao Oriental Rep. Joel Almario, Antique Rep. Loren Legarda at presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte.
Sa ngayon, nakatuon ang bakbakan sa pagitan nina Velasco at Romualdez, at mukhang nakalalamang si Velasco dahil bukod sa malakas kay Sara ay higit na malapit kay Digong.
Kaya nga, kung magtutuloy-tuloy ang suporta kay Velasco lalo ang mayorya ng mga mambabatas, nakatitiyak ang hihiranging bagong Speaker ng Kamara.
Sorry na lang kay Cayetano at mabuburo na lang siya bilang ordinaryong mambabatas.
Pero hindi tayo nakasisiguro kung anong magaganap, may kasing tinatawag na mabilisang pababago, lalo na kung biglang maiba ang ihip ng hangin at si Polong ang hirangin na bagong lider ng Kamara.
SIPAT
ni Mat Vicencio