MULING matunog ngayon ang usapan tungkol sa mga militanteng grupo na gumagalaw bilang mga prenteng organisasyon ng CPP-NPA-NDF.
Pinangalanan ito ng AFP noon pa man bilang mga grupong nagtatago sa ating batas demokratiko para sirain ang mismong demokrasya na siyang pundasyon ng ating pamahalaan at lipunan.
Matagal nang inamin ng pamunuan ng CPP-NPA-NDF na ito ay bahagi ng kanilang masang nasasakupan para maisakatupan ang layuning pabagsakin ang ating pamahalaan.
Muling lumabas ang isyung ito dahil karamihan sa kanila ay tumatakbo bilang party-list sa 2019 elections. Ito ay nagpapakita lamang na malusog ang ating demokrasya at pagpapatupad sa kagustuhan ng Konstitusyon para magkaroon ng isang lipunan na ang lahat ng paniniwala’t kaisipan ay inirerespeto.
Ngunit paano kung ang mga nasabing grupo ang nagsu-supply sa NPA ng mga mandirigmang kabataan? Paano kung sila ang sumisira sa kinabukasan ng ating mga kabataan? Paano kung sila ang sumusuporta sa mga pangangailangang pinansiyal, pangangailangang pang-impormasyon at iba pa para magpatuloy ang 50-taong walang saysay na armadong pakikibaka na nagiging salot sa ating bansa?
Dahil sa mga katanungang ‘yan, gusto ko pong imungkahi sa lahat na maging mapanuri kung ang mga grupo ba ay dapat na ihalal bilang party-list sa darating na halalan.
Ngayong iilan pa lang sa kanila ang nakaupong party-list ay mayroon na tayong nakikitang anomalya. Nariyan ‘yung mga paaralan nila na naglalason sa utak ng kabataan para maging rebelde. Andyan ‘yung mga kunwaring human rights advocates na palaging nasa scene of encounter sa pagitan ng mga sundalo at NPA, lalo na’t mayroong matataas na lider ng armadong grupo na nasusukol o ‘di kaya ay nahuhuli sa mga enkuwentro.
Andyan ‘yung grupo ng mga guro na kinompirmang bahagi ng CPP-NPA-NDF noon pa man noong magkaroon ng cleansing sa loob ng kilusang armado na naging sanhi ng libo-libong kamatayan at pagkawatak-watak ng CPP-NPA-NDF na naging kilala sa kasaysayan bilang panahon ng rejectionist at reaffirmist sa kanila.
Kung sasabihin natin ang lahat na nakikita ng taong bayan tungkol sa kanila, baka kulang pa ang isang araw para maiikuwento.
Ang katotohanan nito ay patuloy silang nagiging sagabal sa kagustuhan ng pambansang seguridad.
Tayo bilang mga mamamayang direktang apektado nang walang saysay na giyera ay dapat maging mapanuri. Limampung taon na nating ginagawa ito, at kapag hindi pa natin nabigyan sulosyon ang isyung ito ay wala nang pag-asa pang mawala.
Bilang responsableng mamamayan, hindi dapat darating sa ganitong kalagayaan ang ating internal security situation. Dapat tayo magkaisa. Palawakin natin ang ating kaisipan sa pagkilala ng mga nasabing grupo, kung dapat ba silang iboto nang sa gayon ay mapondohan ng gobyerno ang kanilang mga gawain kontra mismo sa ating lipunan?
‘Di ba sa pagpili ng ihahalal, tayo ay dapat maging segurista? ‘Di ba dapat bigyan natin ng halaga ang kapayapaan at katiwasayan bilang daan patungong pambansang kaunlaran?
Nasa atin ang pagpapasya. Sa ilalim ng mga doktrina ng ating demokrasya, ang mga karapatang ibinigay ng Konstitusyon ay may kaakibat na responsibilidad. Bilang mga responsableng mamayan, gawin natin ang ating karapatan para maisantabi na natin ang lahat ng mga sagabal sa ating minimithing kapayapaan at kaunlaran.
PALABAN
ni Gerry Zamudio