Thursday , December 19 2024
Sipat Mat Vicencio

Mga ‘multo’ ni Sen. Cynthia Villar

KUNG pag-uusapan ang ranking ng mga senatorial candidates, malamang na ang kasalukuyang puwesto ni Sen. Cynthia Villar na nasa pangalawa ay maapektohan at tuluyang bumaba habang papalapit ang halalan na nakatakda sa 13 Mayo.

Ang mga kontrobersiyang pinasok ni Villar ay hindi nakalilimutan ng taongbayan at makaaapekto sa mga darating na survey ng Pulse Asia at SWS, at kung mamalasin ay baka tuluyan siyang mawala sa “Magic 12.”

Halos isang buwan na lamang ang campaign period at kinakailangan magsipag ang kampo ni Villar, at makagawa ng paraan kung paano sasalagin ang mga negatibong usaping kanyang kinakaharap tulad ng isyu sa pag-ban sa “unli-rice,” “room nurse,” at ang away nila ng kanyang kapatid na alkalde tungkol sa reclamation project sa Las Piñas-Parañaque coastal lagoon.

Isa pang isyu ang ginawa ni Villar na pagsusulong para maisabatas ang Rice Tariffication Law na kinokondena ng mga magsasaka dahil hindi ito nakatutulong sa kanilang interes.

Sa ngayon, malaking sakit sa ulo ni Villar ang mga magsasaka lalo ang grupo ng Federation Free Farmers o FFF dahil nakahanda sila sa kanilang isasagawang kilos-protesta para harangin ang kandidatura ng senadora.

Maraming ‘multo’ itong si Villar at malamang na makaapekto sa kanyang kandidatura at sa kalaunan ay malagay sa alanganin ang plano niyang muling makabalik sa Senado kung hindi siya kaagad na kikilos.

Ang usapin sa “unli-rice” ban na minsan ay naging posisyon niya ang higit na dapat pagtuunan ng pansin ng kanyang kampo, lalo pa’t hindi ito mawala sa isipan ng mama­mayan. Sino ba naman ang makalilimot sa mapangahas niyang proposal na i-ban na raw ang “unli-rice” sa mga fastfood at restaurant? E, di parang sinabi nitong si Villar sa ating mga kababayan na sa kanin lang bumabawi para mabusog nang husto na “huwag na kayong kumain.”

At sino rin ang makalilimot sa ginawang pahayag ni Villar na hindi na kailangan magtapos pa ang mga nursing students dahil karamihan lang naman sa mga nurse ngayon ay nagtatra­baho bilang mga “room nurse.”

Kung makamenos nga naman itong si aling Cynthia!

At ano na rin pala ang nangyari sa pakiki­pag-away ni Villar sa kanyang kapatid na si Mayor Vergel Aguilar? Naayos na ba ito? Hindi ba dapat nagpaparaya ang senadora sa kanyang kapatid?

Napakaraming dapat na harapin at ayusin itong si Villar, lalo ngayon na nasa kalagitnaan at kasagsagan na ng kampanya ang mga kandidato na gaya niya ay nangangarap manalo bilang senador.

Hindi malayong sa mga susunod na araw higit na magiging marumi ang kampanya at hindi maiaalis na lalo pang hahalukayin  ang mga baho, hindi lamang ng kay Villar,  kundi ang iba pang nagsisitakbo para sa pagkasenador.

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *