“NAKU plastic,” ang comment ng isa naming kaibigan, na undoubtedly ay isang AlDub fan, habang pinanonood namin iyong sitcom nina Vic Sotto at Maine Mendoza noong isang gabi, na guest din si Alden Richards.
Ginawa naman nila lahat sa sitcom kung ano ang dating ginagawa nila roon sa kanilang kalye serye, pero kung noon tumitili iyong mga nanonood, ngayon nga ang narinig pa naming comment ay “plastic”. Pero sino ba ang plastic?
Iyang ginagawa nina Alden at Maine sa simula’t simula pa lang ay acting lang. Wala namang nagsabi na totoo ang kanilang ligawan, Kaya ibig sabihin sa simula pa lang “plastikan” na talaga iyan. Eh bakit ngayon lang nila sinasabing “plastic”?
Bibigyan namin kayo ng halimbawa, napakaraming pelikula nina Vilma Santos at Christopher de Leon na kumita ng malaki, at nanalo pa ng awards. Hindi naman totoo ang kanilang relasyon. Alam naman ng lahat na ang asawa ni Ate Vi ay si Senador Ralph Recto. Alam din ng lahat na ang asawa ni Boyet ay si Sandy Andolong. Si Boyet ay nauna pang asawa ni Nora Aunor na nakakompitensiya noong araw sa popularidad ni Ate Vi. Bakit kung nagtatambal sina Boyet at Ate Vi walang nagsasabi ng “plastic”.
Kung sa bagay, napanood din namin ang sitcom habang nakikipagkuwentuhan sa iba naming mga kaibigan. Mukhang wala na nga ang kilig. Parang natapos iyong sitcom ng ganoon na lang. Pagkatapos noon eh news, tapos nasundan ng isang pelikula na ang love team ay sina Richard Gutierrez at Angel Locsin. Aba eh sa tingin namin mas may kilig pa iyong sina Richard at Angel kaysa roon sa AlDub ngayon.
Siguro nga tanggapin na natin, tapos na iyang AlDub. Nariyan pa rin naman si Alden. Sikat pa rin naman si Maine, pero iyong love team, wala na talaga.
HATAWAN
ni Ed de Leon