AMINADO si Rochelle Barrameda na ibang klaseng BFF ang lady boss ng BeauteDerm na si Ms. Rei Tan. Ayon sa aktres, laging nakasuporta sa kanya si Ms. Rei, kaya ang turing niya rito ay parang isang guardian angel.
“Siya ang aking angel, iba siya, iba siya! Ewan ko ba, ano siya, para siyang anghel na bumaba. Talagang during my darkest times, masasabi ko na siya ‘yung hindi tumalikod sa akin,” saad ni Rochelle na kabilang sa business niya ang Skinfrolic ng BeauteDerm located sa Parañaque.
So hindi lang BFF, guardian angel din niya si Ms. Rei? “Oo, alam niya iyon!” sambit pa ng aktres.
Ngayong kandidato si Rochelle bilang Konsehal sa District 1 ng Parañaque sa partido nina Jun Bernabe at Jeremy Marquez na kandidatong mayor at vice mayor, respectively, kabilang ba si Ms. Rei sa susuporta sa kanya?
“Iyong support, from the start na nagde-decide ako na magjo-join ako, alam niya ‘yun. Noong una, ayaw niya, ayaw niya talaga. Hanggang sa sabi ko, ‘Bff, eto na e, nandito na ako.’ Sabi niya, ‘Sige.’ Pero kasi ‘di ba naging very busy tayo, sunod-sunod schedules natin… so sinabi naman niya, ‘O basta, bff.’ Before the election, kami ni Marang (Maricel Morales), talaga namang nag-ano siya na tutulong siya sa aming dalawa.”
Nang biniro namin si Rochelle na dapat si Ms. Rei ang kunin niyang campaign manager, ito ang reaction niya: “Sabi ko nga sa kanya, ‘O ano? Ikaw na kakanta ng jingle ko?’ Kasi di ba kumakanta din siya? Kasi nang kinanta niya ‘yung BeauteDerm theme song, sabi ko, “Ikaw kakanta ng jingle ko ha? Wala akong hihingin sa iyo, ikaw lang kumanta ng jingle ko.’ Pero ayaw pa rin niya pumayag,” nakatawang kuwento ni Rochelle.
Samantala, ang naranasang injustice sa kapatid na pinaslang na si Ruby Rose ang isa sa nag-udyok sa kanya para pumasok sa politika. Dahil ayaw ni Rochelle na maranasan din ito ng iba at gusto niyang makatulong sa mga kababaihan na biktima ng karahasan. ”For almost 12 years, we’re still fighting, hanggang ngayon, hustisya pa rin talaga ‘yung sigaw namin. And lahat gagawin ko, maging maganda man ‘yung resulta o hindi, at least ginawa ko ‘yung part ko bilang kapatid,” aniya.
Napatawad na ba niya ang gumawa ng karumal-dumal na krimen sa kanyang kapatid? “Honestly, no. Ang mommy ko, sabi niya sa akin, ‘Anak, alam mo mahirap kasi ‘yung may bigat,’ Sabi ko, ‘Ang hirap naman sabihin na napatawad ko na sila.’ Kasi kung nakita n’yo lang ‘yung itsura ng kapatid ko noong inilabas (sa drum) na may posas, nakapulupot ng tape ‘yung kanyang ulo, ‘yung ipinangsakal sa kanyang lubid nandoon pa… nakatali ‘yung mga paa niya. So, wala siyang kalaban-laban, ‘yung ribs niya, broken ribs dahil tinuhod ‘yung dibdib niya. So paano mo mapapatawad ‘yung mga tao na pumatay sa kapatid mo?”
Samantala, tiniyak naman ni Rochelle na itataas niya ang bandera ng mga kababaihan at ng taga-showbiz at maglilingkod nang tapat. “Ayaw kong sabihin ang ganito at mangangako… ako, I will really do my best, my very-very best for my district dahil ayaw kong masira sa pagkakataong ibinibigay nila,” sambit pa niya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio