ABA, ano na nga ba ang nangyayari sa career ni Anne Curtis? Dati kung sabihin isa siya sa pinaka-bankable stars. Hindi lamang kumikita nang malaki ang kanyang mga pelikula, maski ang concerts niya ay naging malalaking hits.
Pero ewan nga ba kung ano ang nangyari at dalawang magkasunod na pelikulang ginawa ni Anne ang bumalibag na. Iyong nauna, na ipinagmamalaki nilang mailalabas nila kahit na sa ibang bansa ay hindi na kumita. Wala ring balita kung totoo bang naipalabas nga iyon sa commercial theater circuits sa abroad kagaya ng sinasabi nila.
Iyon namang huli niyang pelikula, bagama’t sinasabing siyang pumangatlo sa natapos na MMFF, pangatlong malayo naman iyon sa dalawang nauna. At wala pa man ang mga opisyal na gross reports ng mga pelikula, sinasabing talagang dalawang pelikula lang ang kumita ang iba pa ay puro balibag na.
Hindi kaya dapat mag-isip na rin si Anne kung ano ang projects na dapat niyang gawin? After all alam naman niya kung ano ang mga pelikula niyang kumita at kung ano ang hindi.
Sayang si Anne kung gagawa na lang siya nang gagawa ng kung ano-anong proyekto. Baka naman wala ring mangyari kung lagi siyang itatambal sa mga artistang hindi katapat ng kanyang calibre. Baka rin naman sayang lang kung hindi talaga nababagay sa kanya ang istorya.
Maraming kailangang isipin sa pagpapatakbo ng career ng isang artista, and sad to say, bihira na ngayon ang marunong diyan. Maraming “feeling beautiful” lang pero walang nagagawa. Kung makatiyempo ka na ng isang artistang kumita ang pelikula, bakit mo pa pababayaan. Kailangan ang ipagagawa mong proyekto ay talagang pinag-isipan.
HATAWAN
ni Ed de Leon