MARAMI tuloy ang nabuksang mga bagay tungkol sa baguhang si Tony Labrusca dahil sa pag-iinit ng kanyang ulo sa airport nang hindi siya bigyan ng “balikbayan” status ng Immigration officers.
Una, ano man ang sabihin niya, ang ginawa ng mga opisyal sa airport ay naaayon sa batas. Siya ay isang US citizen, at wala siyang kasama isa man sa mga magulang niyang Filipino para masabing siya ay isang “balikbayan”.
Aminado naman siya ngayon na hindi niya alam ang mga probisyon ng batas, kaya nga nag-apologize na siya. Pero bakit hindi niya naisip na hindi niya alam ang karapatan niya bago uminit ang ulo niya sa airport.
Pagod siya sa mahabang biyahe mula sa Canada. Iyon ang kanyang katuwiran. Bakit hindi ba pagod din ang mga immigration officials sa airport? Nagalit siyang hindi siya nakilala, dahil si Tony siya, isang celebrity, at maraming tao ang nagpapakuha ng selfie na kasama siya. May trabaho siya sa showbiz sa Pilipinas. Pero dahilan ba iyon para siya magkaroon ng special treatment?
Pasalamat siya at ang Bureau of Immigrations ay nasa ilalim ng Department of Justice, dahil kung iyan ay nasa ilalim ng Department of Foreign Affairs, ang sabi nga ni Secretary Teddy Locsin, “i-deport na lang ninyo iyan”. In the first place nagtatrabaho pala siya sa Pilipinas ng walang working visa, at ang ginagamit ay visitors’ visa lamang dahil sa claim na siya ay balikbayan, dahil ang nanay at tatay niya ay Pinoy. Pero siya, “dayuhan” siya at maliwanag iyon sa kanyang pasaporte.
Parang nakakailang lang na may mga dayuhang ganyan na pagdating sa ating bayan, ang akala mo ay kung sino na dahil lamang sa paniwala na sila ay artista at sikat na. Kahit na isang superstar ka pa, wala kang karapatang umarte ng magaspang. Kahit na sabihing marami ang nakikipag-selfie kasama ka, kailangang sumunod ka pa rin sa itinatakda ng batas sa bayang pinapasok mo bilang isang dayuhan.
HATAWAN
ni Ed de Leon