KAMAKALAWA ay kaarawan ng pumanaw na dating executive minister ng Iglesia ni Cristo (INC).
Bilang pag-alaala sa kanyang ika-94 kaarawan ay muli nating balikan ang ating pitak na napalathala, January 6, 2017, sa pahayagang ito, ‘Ang Ka Erdy’:
”Nitong Lunes (2 Enero) ay ika-92 taon ng kapanganakan ni Bro. Eraño “Ka Erdy” G. Manalo, dating executive minister ng Iglesia Ni Cristo (INC) na pumanaw noong August 31, 2009.
Nasanay na kasi akong batiin at alalahanin sa kanilang kaarawan ang mga hinahangaan ko tulad ng Ka Erdy.
Dati, ilang araw pa bago, hanggang pagkatapos ng kanyang kaarawan ay napupuno ng paid ads o bayad na anunsiyo ang mga pahayagan, karamihan ay mula sa mga politiko na nag-uunahang bumati kay Ka Erdy para mapansin.
Ang iba nga, nagpapaskil pa ng malalaking karatula para masiguro lang na maipaabot sa kaalaman ni Ka Erdy ang kanilang pagbati.
Hindi ko malilimutan ang isang pangyayari pagkatapos tanggalin ang aking programa sa isang gov’t station, sa pakiusap ng mga inggiterong nagsabwatan laban sa inyong lingkod noong bagong luklok na pangulo si Gloria Macapagal Arroyo.
Makalipas ang mahigit dalawang buwan, may isang tao na matagal ko nang hindi nakikita na ‘di sinasadya ay aking nakasalubong.
Nang matanaw niya ako ay bigla niya akong tinawag at nilapitan. Bungad niya, “mabuti’t nagkita tayo, matagal na kasi kayong ipinahahanap ng Ka Erdy.”
Nagulat ako at nagtaka kung bakit ako ipahahanap, hindi naman ako personal na kilala ni Ka Erdy kaya’t nagtaka ako at kinabahan, at nagtanong sa sarili kung may atraso ba ako o nagawang kasalanan na hindi ko namalayan.
Ikinuwento ng aking kausap na ipinatawag sila ni Ka Erdy at may bilin sa kanila na hanapin ako.
Ang biglang pagkawala pala ng aking programa sa radyo ang dahilan kung bakit ako ipinahahanap ni Ka Erdy.
Ang sabi raw sa kanila ni Ka Erdy ay hindi niya alam kung bakit bigla na lang akong nawala sa radio, basta’t ang sabi raw ng Ka Erdy, baka ginipit o idinemanda.
Bilin daw sa kanila ng Ka Erdy, “hanapin n’yo siya at tulungan.” Hindi ko akalain na nakikinig pala siya sa aking programa.
Nang marinig ko ito ay biglang tumulo ang aking luha. Ang pumatak pala ay luha ng kaligayahan dahil kasalukuyan ko pang sinisikap lumimot at muling bumangon sa pagkakatanggal ng aking programa nang wala namang dahilan o kinalaman sa aking trabaho bilang radio broadcaster kung ‘di inggit lamang ng mga nagsabwatan, ayon sa ipinagtapat sa akin ni Rafael Dante Cruz na noo’y director ng Bureau of Broadcast Services.
Hindi man ako nagkaroon ng pagkakataon makaharap si Ka Erdy noong nabubuhay pa, isa ako sa mga nagsikap na makita ang kanyang mga labi kasunod ng kanyang pagpanaw.
May isang pangyayari ang hindi ko maipaliwanag at hanggang ngayon ay ipinagtataka.
Habang ako ay nakatayo sa napakahabang pila sa malayo patungo sa kanyang kinalalagyan ay may isang lalaki ang biglang sumulpot sa aking harapan, nakasuot ng casual at hindi naka-uniporme tulad ng ibang namamahala sa pagsasaayos ng mahabang pila.
Hindi pamilyar sa akin ang mukha ng bigotilyong lalaki, bigla niya akong hinawakan sa braso at sinabing, ‘Dito na po kayo Ka Percy.’ Dinala niya ako sa mas mabilis umusad na pila kaya mabilis rin akong nakalapit sa kabaong ng Ka Erdy.
Pero habang lumalakad ako palapit sa kabaong ay nililingon ko ang paligid para tanawin ang taong lumapit sa akin para pasalamatan at alamin kung sino siya ay hindi ko na siya nakita hanggang sa ako ay makalabas ng Templo.
Ang mahalaga, nasabi ko ang mga kataga na matagal ko na sanang nais sabihin sa kanya… Maraming Salamat po, Ka Erdy!”
Pumanaw man ang Ka Erdy ay patuloy siyang mabubuhay sa puso at gunita ng marami.
MARAMING SALAMAT PO!
ANG inyong lingkod po ay taos-pusong bumabati sa mga mambabasa ng “Kalampag” sa pahayagang ito – Hataw D’yaryo ng Bayan — at sa masusugid na listeners ng programang “Lapid Fire” 10:00 pm – 12: 00 mn, Lunes hanggang Biyernes, sa makasaysayang himpilan ng DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz/AM) at nasusubaybayan din ng marami nating kababayan mula sa malalayong bansa via live streaming sa You Tube at Facebook.
Pinasasalamatan din natin ang patnugutan ng pahayagang ito at management ng DZRJ sa pagkakataon na ipinagkakaloob sa inyong lingkod upang patuloy na makapaghatid ng makabuluhang paninindigan sa mahalagang isyu.
Sa inyong lahat, maraming salamat po sa walang-sawang pagtangkilik at patuloy na pagtitiwala.
KALAMPAG
ni Percy Lapid