IPINAHAYAG ni Angel Locsin na excited na siya sa bagong TV series na The General’s Daughter na malapit nang mapanood sa ABS CBN.
Ayon sa Kapamilya aktres, naniniwala siyang mas genre niya talaga ang aksiyon kahit na raw noong nasa GMA-7 pa siya. “Kahit na noong nasa kabilang station pa ako, parang mas genre ko ang action talaga. Kaya ngayong ibinabalik, bumabalik… kaya I’m very excited,” sambit ng Kapamilya aktres.
Hindi ba delikado sa kanyang health ang pagsabak niya sa ilang action scenes dito?
Tugon ni Angel, “Sana naman po ay hindi, kasi okay na siya. Pero sa tingin ko ay hindi naman, they’re very ano naman, very careful sa mga ginagawa naman. And, naka-assist naman sila…”
Bilang paghahanda sa seryeng ito, sumailalim sa masusing training si Angel. Nabanggit pa ng aktres na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang therapy niya, tatlong taon mula nang nagkaroon siya ng spinal injury.
Pahayag ni Angel, “They’re very careful sa mga ginagawa, naka-assist naman. After naman din ng ilang procedure, medyo okay naman ako. Ingat-ingat na lang din talaga. Hindi na po puwede na gaya ng dati, na ganoon kalikot. Ngayon, after ng mga eksena, ice pack, kasi may mga fight scenes din kami.”
Bilang bahagi ng kanyang paghahanda, binisita rin niya ang set ng kanilang taping sa Daet, Camarines Norte na mas nauna sa mga kasama niya at gumawa rin ng sarili niyang research para sa gagampanang role.
“Parang feeling ko naman ay hindi naman ako nagtrabaho kapag hindi ako gumawa ng reaserch o ng homework ko. So, kaya naman nagpunta ako sa mga kampo para mag-research, sa mga kilos… may kasama ako sa production. So rito, I’m a member ng nurse corps, so, isa akong sundalo pero manggagamot.”
Ang The General’s Daughter ay isang action-drama series mula sa Dreamscape Entertainment. Tampok din dito sina Albert Martinez, Paulo Avelino, JC de Vera, Arjo Atayde, Tirso Cruz III, Eula Valdez, Janice de Belen, Ryza Cenon, Ms. Maricel Soriano, at marami pang iba, sa pamamahala ni Direk Emmanuel ‘Manny’ Palo.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio