“ITONG Christmas vacation ang bibigyan ko naman muna ng panahon ko ay ang pamilya ko,” sabi ni Congresswoman Vilma Santos.
Eh kasi totoo naman na minsan-minsan lang sila magkasama bilang isang buong pamilya dahil na rin sa kanilang mga trabaho. Nagkakaroon lamang sila ng panahon na magkasama-sama kung may mga ganyang bakasyon. Minsan nga bakasyon na may kailangan pa ring intindihin. Mayroong panahong kahit na Pasko kailangan siyang lumabas sa mga tao, asikasuhin ang pamimigay ng tulong at Pamasko, pagkatapos naman niyon intindihin iyong mga posibleng mangyari kung Bagong Taon, lalo na iyong mga aksidente sa mga paputok.
Kaya sinasabi nga ni Ate Vi, malaking kaluwagan din sa kanya iyong congresswoman na lang siya. Kasi, mas nagkakaroon siya ng panahon para sa kanilang pamilya. Malaki ang pamilya nina Ate Vi, hindi lamang ang pamilya nila ni Senador Ralph, hindi naman maihihiwalay si Ate Vi sa mga kapatid niya at kay Mama na mas nangangailangan nga ng kanyang atensiyon ngayong matanda na iyon.
Naa-apreciate niya iyong mga pagkakataong magkakasama sila for dinner. Minsan sinasabi nga niya, malaking kaligayahan na sa kanya iyong lahat sila nasa sala at nagkukuwentuhan lang o nanonood ng TV o anuman iyon. Para sa isang ordinaryong pamilya ay karaniwan na iyon, pero para sa kanila na masyadong busy, iyon ay mga pagkakataong sinasamantala nila.
“Naikot ko na lahat halos ng barangay namin. Nakabati na ako ng Merry Christmas. Iyon lang naman talaga ang gusto nila eh, iyong makita ako at makausap, at mabati ko sila ng Merry Christmas, napasaya mo na iyong mga tao. May ilan pa akong dadalawin tapos ang pamilya na ang aasikasuhin.
“Hindi mo magawang magpunta sa palengke o sa supermarket man lang, ako pa rin ang nag-iintindi ng lahat ng kailangang gawin at bilhin maski sa palengke. Enjoy naman ako sa trabaho ko bilang nanay. At saka talagang usapan na namin iyon. Basta dumarating ang mga ganitong okasyon, wala na kaming haharaping iba muna, priority ang pamilya,” sabi ni Ate Vi.
HATAWAN!
ni Ed de Leon