ISANG bagong election watchdog na non-partisan, independent at mayroon talagang kakayahan sa pagbusisi ng sistema ng automated polls ang kailangang itatag para sa darating na halalan sa 13 Mayo 2019.
Ayaw na nating mangyari ang kabi-kabilang akusasyon nang dayaan kapag natatapos ang isang pambansang halalan. Kaya’t ang pagbubuo ng bagong election watchdog ay mahalaga para mabantayan ang boto ng taong-bayan.
Kung tutuusin, maituturing na walang silbi o inutil ang kasalukuyang mga election watchdog tulad ng Namfrel na sa kabila ng lantarang dayaan noong mga nagdaang halalan ay wala naman itong nagawa.
At para masigurong malinis o walang dayaan na magaganap sa darating na halalan, dapat lang na hindi mano-manong pagbabantay ang gagawin ng mga miyembro ng bagong election watchdog kundi dapat lang ay mayroong kasanayan o technical expertise.
Kaya nga, kung mayroong dayaan o hocus focus na mangyayari sa pagboto o sa mismong bilangan sa bawat presinto, madaling makukuwestiyon ng bawat miyembro ng election watchdog dahil mayroon silang technical expertise sa gagawing automated polls.
Madaling nakapandadaya o nakalulusot ang mga tiwaling indibiduwal kapag dumarating ang automated elections dahil ang mga nagbabantay sa bawat presinto ay pawang hindi bihasa kung paano babantayan ang eleksiyon na ang gamit ay high tech na pamamaraan.
Mahalagang hikayatin ng Comelec ang concerned citizens na magbuo ng bagong election watchdog na titiyak na ang darating na halalan ay hindi mababahiran ng anumang akusayon ng dayaan tulad ng nakaraang presidential polls nitong 2016.
Masakit na magugulat na lang tayo kapag natapos na ang eleksiyon na kahit ‘yung hindi naman inaasahang mananalo o talagang walang kapana-panalo at kahit pambarangay lang ang kalidad, ay silang pasok sa pagka-senador.
Kailangan talagang maging mapagbantay ang mamamayan sa nakatakdang eleksiyon sa Mayo dahil kung hahayaan natin magkaroon ng dayaan at manalo ang hindi naman tunay na ibinoto ng taong-bayan, e wala tayong sisisihin kundi mismong ang ating mga sarili.
Lagi-laging sinasabi natin na ang tunay na boses ng mamamayan ang dapat na mamayani, at dito sa darating na eleksiyon ay kailangan patunayan natin na ang boto ng bawat isa sa atin ay masisigurong mabibilang sa kandidatong inihalal natin.
Huwag din lang natin iniaasa sa mga magbabantay sa bawat presinto ang kalinisan ng eleksiyon, dapat ay maging mulat ang bayan, at kung mayroon mang katiwalian o ‘magic’ na magaganap sa araw ng eleksiyon huwag tayong matakot, kumibo, makialam at kumilos.
SIPAT
ni Mat Vicencio