MAINIT na pinag-uusapan sa Parañaque ang kinasasabikang pagbabalik ni dating Mayor Florencio “Jun” Bernabe.
Magbabalik siya ngayong 2019 local election at muling aagawin kay Mayor Edwin Olivarez ang pamumuno sa Parañaque.
Kung hindi tayo nagkakamali, mananatili si ex-mayor Jun sa partidong LAKAS CMD — ang partido ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Magiging bise alkalde niya ang natalong si Jeremy Marquez, anak ni dating Mayor Joey Marquez. Tatapatan ni Jeremy ang kasalukuyang vice mayor na si Jose Enrico “Rico” Golez.
Katiket din nila ang aktor na si Boyet de Leon na kanilang itatapat kay District I Rep. Eric Olivarez.
Kaya ang sabi ng mga taga-Parañaque, mabigat ang labanan ngayon.
Hindi puwedeng tawaran ang kampo nina Bernabe dahil alam nang lahat na nakakamada lang ang kanilang pondo.
Alalahanin na tatlong beses rin naging alkalde si ex-mayor Jun.
Hindi rin puwedeng ismolin ang kanyang achievements dahil marami rin siyang nagawa sa Parañaque.
Kumbaga sa hapag-kainan, mamimili ang mga taga-Parañaque sa mga putaheng nakahain sa kanilang hapag.
Pero ano nga itong naririnig natin? Lalong humihigpit ang laban dahil si Mayor Olivarez ay sa umpisa lang daw magaling?!
Totoo ba ‘yan?
Hmmn… umuusok na agad ang halalan, abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap