OPISYAL nang idineklara — si dating Mayor Alfredo S. Lim ang pambatong kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Maynila.
Ang pagkakadeklara kay Lim ay pinangunahan ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, PDP-Laban national president, sa idinaos na panunumpa ng 7,000 miyembro at lider ng Kapayapaan, Katarungan at Kaunlaran (KKK), kamakailan.
Sa nasabing okasyon na ginanap sa Open Air Auditorium sa Luneta na dinaluhan din ng mga nangungunang senatorial candidates ng PDP-Laban sa susunod na 2019 midterm elections, pinuri ni Pimentel ang ‘di matutularang tagumpay ng ‘womb to tomb’ program na naipatupad ni Lim sa lungsod.
Ang tinutukoy ni Pimentel ay mga libreng serbisyo na tinamasa ng mga Manileño mula pa nang unang mahalal si Lim sa Maynila noong 1992 hanggang 1998, at kanyang ipinagpatuloy matapos makabalik at manungkulang alkalde taong 2007 hanggang 2013.
Tampok sa womb to tomb na programang pinakinabangan ng mga Manileño sa ilalim ng matinong administrasyon ni Lim ang mga libreng serbisyo at gamot sa anim na ospital na kanyang naipatayo sa kada distrito ng Maynila, pati na ang walang-bayad na pagpapalibing.
Si Lim din ang responsable sa libreng edukasyon kaya’t maraming kabataan mula sa mahihirap na pamilya ang nakapagtapos ng kolehiyo sa Universidad de Manila (dating City College of Manila) na kanyang itinatag taong 1995.
Isa ang 35-anyos na si Ramil Comendador, dating janitor sa Commission on Elections (Comelec), sa may magandang kuwento na nakapagtapos sa UDM na naipatayo ni Lim at ngayo’y isa nang ganap na abogado matapos makapasa sa bar exams noong 2016.
Bukod sa libreng edukasyon, nakatatanggap din ng allowance at tulong-pinansiyal mula kay Lim ang mga mag-aaral ng UDM.
Sinabi ni Pimentel na si Lim ang uri ng kandidato na may solidong plano para sa lungsod at mga naninirahan dito, aniya:
“Sa local, alam n’yo na kung sino ang manok natin at ‘yan ay walang iba kundi ang inyong dating mayor — Alfredo Lim!”
Pinasalamatan din ni Pimentel si Lim na siya umanong dahilan kung bakit ang PDP-Laban ay naging mas malaki at malakas sa Maynila at aniya, ang mga miyembro ng KKK ang siya ngayong pundasyon ng PDP-Laban sa Maynila.
Binigyang diin ni Pimentel na kailangan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang behikulo upang ang mga lider nito ay maupo sa gobyerno at matulungan ang gobyerno na maipatupad ang mga programa nito.
Kabilang sa mga nangungunang kandidato ng PDP-Laban na naging panauhin sa pagtitipon at nag-endoso kay Lim sina dating PNP Chief at kasalukuyang Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronaldo dela Rosa; Department of the Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño; at Makati congressman Monsour del Rosario.
DIÑO: IBALIK SI LIM
LABAN SA KRIMEN
SABI naman ni Diño, kailangan ng gobyernong Duterte ang matindi at malakas na kaalyado pagdating sa pinaigting na kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad kung kaya’t kanilang ineendoso si Lim.
“Marahil ay sabik na sabik na kayo sa katahimikang ibinigay ng taong ito. Ito na ang pagkakataon na maibalik natin ang katinuan sa Maynila, maibalik ang katahimikan at mawala na ang mga kriminal at korupsiyon,” ani Diño.
Matatandaan na si Diño, dating barangay chairman sa Quezon City, ang last minute na naghain ng certificate of candidacy sa Comelec para sa pagtakbong pangulo ni Pres. Duterte noong 2016.
GENERAL ‘BATO’: LIM
IDOLO NG PULISYA
SA pagpapahayag ng kanyang suporta, inilarawan ni Dela Rosa si Lim bilang isang ‘legend and an icon’ lalo sa hanay ng mga miyembro ng pulisya na kagaya niya.
Naka-identify umano siya kay Lim, na isang retired major general na gumugol ng 38 taon ng kanyang buhay sa police service.
“Pareho kami ni Lim pagdating sa matigas na paninindigan laban sa mga kriminal, at gayondin sa kanyang walang katapusang pagsisikap na protektahan ang nga inosenteng sibilyan na nabibiktima ng masasamang-loob,” ani Dela Rosa.
“Napakagaling na idolo nang lahat. Walang pulis sa Filipinas na ‘di naging idolo ang ating mahal na mayor pero may kaunti kaming pagkakaiba sa pagiging pulis dahil siya ay pulis sa siyudad at ako naman ay pulis sa probinsiya. Pero ‘yung galit sa mga criminal at ‘yung awa sa mga taong kinakawawa ay pareho lang po kami,” dagdag ni Dela Rosa.
MAKATI REP. MONSOUR:
LIM, ACTION MAN
NANAWAGAN si Del Rosario sa libo-libong supporters ni Lim na tumulong nang husto upang maibalik si Lim sa Maynila.
Inilarawan ng dating aktor bilang ‘walang kupas na idolo’ at ‘action man’ — bilang alkalde ng Maynila ay may mga pruweba na programa na siyang napatunayan para sa mahihirap, kasama sa mga dahilan kung bakit nila suportado ang kandidatura ni Lim.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid