HALOS walang puknat ang pagsisikap ng mga awtoridad upang labanan ang trapiko, mapaluwag ang mga lansangan at maalis ang mga sasakyan na nagsisilbing sagabal upang sumikip ang ating mga daanan.
Kabi-kabila ang isinasagawang clearing operations sa iba’t ibang sulok at bahagi ng Metro Manila, lalo sa mga palengke na kadalasan ay halos inaangkin na ng mga vendor ang mga lansangan.
Ang problema ay marami sa ating kababayan ang hindi marunong sumuporta sa pagsisikap na ibinubuhos ng mga taong-gobyerno sa paglilinis ng mga lansangan hangang sa kasalukuyan at naka-focus sa pansariling interes lamang.
Tanggapin natin ang katotohanan na isa sa mga kadahilanan nang walang patid na trapiko ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga sasakyan pero hindi naman nadaragdagan ang ating mga lansangan at daanan kaya lalong nagsisiksikan ang mga behikulo.
Idagdag pa rito ang mga kabahayan na matatagpuan sa maliliit at masisikip na lansangan na malaya at walang pakundangang iniiwan ng mga residente na nakabalandra ang kanilang mga sasakyan sa harap ng kanilang mga bahay. Wala silang pakialam kung makapeprehuwisyo man o magsisilbing obstruction ang kanilang sasakyan.
May nakapagsabi na sa Singapore ay walang trapiko. Karamihan sa mga residente roon ay nakatira umano sa mga apartment building o condominium. At ang matindi ay halos kasing halaga ng bayad sa upa ng bahay ang sinisingil sa pagrenta ng garahe. Bihira ang may kotse sa kanila dahil kapag bumili ka ng sasakyan ay may pababayarang certificate bilang buwis na kasing presyo rin ng kotse.
Mas mahal pa ang multa kapag nagparada ng sasakyan sa kalsada roon kaysa pagrenta ng bahay. Higit sa lahat ay hindi raw corrupt ang mga pulis kaya kapag may hinuli sila ay walang lusot dahil hindi uso sa kanila ang kotong.
Dito ay puwede rin higpitan ang ating mga batas at magtaas din ng bayarin sa mga traffic violation para tuluyang madala ang mga motorista at maibsan ang trapiko. Upang matugunan ang problema ng kakulangan ng sariling garahe ay dapat maghigpit din ang mga nagbebenta ng sasakyan. Naniniwala ang Firing Line na hindi dapat bentahan ng sasakyan ang sino man kung wala siyang garahe sa tahanan. Para mapagbigyan ang mga walang sariling garahe, mas maganda kung makapagpapakita sila ng kontrata na umuupa sila ng parking space para sa kanilang sasakyan.
Sa mga gustong bumili ng higit sa isang sasakyan, kailangan ay makapagpakita sila ng patunay na may garahe sila para sa maramihang sasakyan upang hindi ito maging pakalat-kalat sa lansangan.
Bakit ka bibili ng sasakyan kung wala kang paradahan?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.