INILINAW ng Department of Transportation (DOTr) na wala silang kahit isang pinapaboran na automobile manufacturers sa kanilang jeepney modernization program.
Sa pagdinig ng Senate Sub-Committee on Finance para sa panukalang P76.1 bilyon budget para sa susunod na taon, sinabi ni DOTr Assistant Secretary Mark Richmund de Leon, wala silang pinapaboran na kahit isang manufacturers tulad ng maling alegasyon na lumalabas na may pinapaboran aniya ang ahensiya.
Sa naturang pagdinig, inilinaw ni De Leon na welcome lahat ng manufacturers na nais pumasok sa kanilang programa maging ang local manufacturers tulad ng Sarao at Francisco motors.
Aniya, malaya ang mga operator na pumili ng kanilang manufacturers na nais nilang gumawa ng kanilang mga jeepney dahil walang ina-accredit at pinapaboran ang DOTr sa jeepney modernization program.
Ang budget ng DOTr ay tumaas sa P35.9 bilyon o 89.3%, ay lumalabas na pampito sa mga ahensiya na tinaasan ng alokasyon ng Duterte administration.
(CYNTHIA MARTIN)