TALAGANG hindi naitago ni Mayor Richard Gomez na masama ang kanyang loob sa sinasabi niyang masamang officiating sa boxing na tinalo ni Yin Junhua ng China si Nesthy Petecio ng Pilipinas.
Sa laban ng dalawang babaeng boxer, maliwanag na bugbog ang manlalaro ng China na walang ginawa kundi umiwas sa mga suntok ni Petecio, pero nanalo pa rin ang China sa judges decision. Kung ang pagbabatayan ay ang scoring ng judges, tie pa ang dalawa, kaya ang desisyon ng referee na pananalunin ang China, ang sinasabi nga ni Goma na pinakamasamang boxing decision na nakita niya sa buong buhay niya.
Pero ganoon ang boxing eh, hindi ka naman maaaring magprotesta. Iniwasan din nila ang gumawa agad ng reklamo dahil baka naman maapektuhan ang laban ng iba pang mga boxer ng Pilipinas. Baka kung umangal sila, lalo silang pag-initan.
Halata mo talaga sa statement at sa mukha ni Goma na napikon siya sa desisyon, pero bilang chief of mission, alam din naman niya kung ano ang tama niyang gawin.
Nakabawi naman sa pagkainis si Goma nang lumabas ang balitang ayon sa PNP, ang lungsod na may pinakamababang krimen ay ang Ormoc. Napakalaking accomplishment naman iyon sa kanya bilang mayor ng lunsod.
Ang nasabi na nga lang niya, talagang ganoon nga yata ang buhay. “You win some, you lose some.” Pero ganoon pa man, ayon sa feedback mula sa mga atleta at iba pang mga opisyal ng mga sports associations, naging mahusay na chief of mission si Goma dahil naipakita niyon ang kanyang concern para sa lahat, at talagang nakatutok siya sa bawat event, hindi kagaya niyong ibang naging chief of mission na pagdating sa games ay walang inasikaso kundi ang mamasyal lamang.
HATAWAN
ni Ed de Leon