READ: Terminal rationalization program hindi matutuloy
READ: Droga sa AoR ng Ermita bakit hindi nababawasan?
PLANO umanong ibalik ng US Department of Defense ang tatlong Balangiga Bells ng Eastern Samar na kanilang ‘ninakaw’ bilang ‘war booty’ mahigit isandaang taon na ang nakalilipas.
Mismong si Trude Raizen, deputy press attaché g US Embassy, ang nagsabi na ayon kay Defense Secretary James Mattis ipinaalam na nila sa US Congress ang kanilang intensiyon na isauli ang nasabing mga kampana.
Ito ang mga kampanang tinanggal ng kanilang mga sundalo sa simbahan ng Balangiga, Eastern Samar noong 1901.
Inihudyat ng nasabing mga kampana ang pag-atake ng mga gerilyang Filipino laban sa US troops ng 9th US Infantry Regiment. Nalagas ang 48 US soldiers, kabilang ang kanilang commander.
Pero rumesbak si Gen. Jacob Smith at inatasan ang kanyang tropa na maghasik nang ‘walang kapantay na kademonyohan ng mga halimaw.’
Sinunog ang Samar at pinatay ang lahat, kabilang ang mga batang edad 10-anyos pataas. Umabot sa 25,000 Filipino ang pinaslang sa utos ni Smith.
Ayon mismo sa ulat ng US, ang isang kampana ay nasa 9th Infantry Regiment sa South Korea, habang ang dalawa ay nasa F. E. Warren Air Force Base sa Wyoming.
Isa tayo sa umaasa na paninindigan ng US Defense Department ang kanilang pangako na ibabalik sa Filipinas ang Balangiga Bells.
Ilang taon nang umaasa hindi lang ang mga taga-Samar kundi ang buong sambayanang Filipino na muling ‘uuwi’ ang Balangiga Bells sa lugar kung saan nararapat na ilagak at itanghal bilang sagisag ng katapangan, kabayanihan, pagkamakabayan at tunay na pagka-Filipino.
Sa pag-uwi ng Balangiga Bells (sana’y ito pa rin ang orihinal at genuine) umaasa tayong ito’y sasalubungin ng buong bansa gaya sa isang malaking pagdiriwang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap