Sunday , November 3 2024

Deklarasyon ng mga tunay na umiibig sa unibersong may iba’t ibang normatibo

MASELAN ang magsiwalat ng sarili.”

Ito ang laging sinasabi ni Jerry B. Gracio habang gina­gawa o sinisinop ang kanyang manuskrito na ipino-post sa social media.

Hindi lang ako sigurado kung ‘yun nga ang ginagawa niya noong sabihin niya ito, hinuha ko ito batay sa kanyang mga post sa social media.

“ISULAT natin ang ating mga kuwento dahil hindi lang kuwento ng malalaking tao, ng mga opsiyal ng gobyerno, ng mga may kontrol sa media ang dapat mabatid ng publiko, dapat nilang makita ang buhay ng mga pangkaraniwang tao na may mga pambihirang kuwento.” Ito ang diwa kung bakit nagpasya ang premyadong makata at manunulat na si Jerry Gracio (may hawak ng mikropono) kung bakit isinulat at isinalibro niya sa pakikipagtulungan ng Visprint ang kanyang essays & memoir na Bagay Tayo (ang kuwento nila ng karelasyong si Pitbull) katambal ang koleksiyon ng kanyang mga tula, Hindi Bagay, na inilunsad nitong Sabado. (GMG)

Pero hindi ko rin ito naitanong sa kanya (para sa kompirmasyon) noong mag­kita kami sa paglulunsad ng Bagay Tayo, ang kanyang mga essay and memoir at kakam­bal na koleksiyon ng mga tula, Hindi Bagay, mula sa Visprint, nitong Sabado 11 Agosto 2018, sa idinaos na The Philippine Readers and Writers Festival 2018 sa Raffles Ma­kati.

Malaking bahagi ng Bagay Tayo ay kuwento ng relasyon nina Jerry (Je) at Raymond B. Reña (Pitbull). Kung paano nila ito napagtagumpayan, salu­nga sa umiiral na mga ‘normal’ na relasyon sa lipunan.

Noong una’y masugid akong sumusubaybay at nagbabasa kahit napakahaba ng kanyang post sa social media.

BINASA ng isa pang premyadong manunulat na si Eros Atalia, ang isang bahagi sa aklat na Bagay Tayo ni Jerry Gracio. (GMG)

Pero dumating din ang pa­na­hon na parang naumay ako — naumay ako sa ‘kalandian’ ni Gracio.

Pero kapag may bago na naman siyang post, hindi ko maiwasan silipin hanggang matangay ako na basahin na naman. Kasi sa totoo lang, hindi lang siya malanding ma­ngi­ngibig, marubdob siyang magmahal at higit sa lahat mararahuyo ka kung paano niya ipahayag sa pamama­gitan ng wika ang kanyang damdamin, hangarin, pana­naw at mga pangarap sa bu­hay.

At higit sa lahat, tapat siya sa kanyang isinusulat.

Parang isang ‘amasona,’ tawag ni Gracio sa sarili kung minsan, na hindi bibitiw sa gera at pakikibakang sinuungan — hanggang sa tagumpay.

DUMATING at sumuporta sa paglulunsad ng Bagay Tayo at Hindi Bagay ang isa pang premyadong manunulat na si Ricky Lee at mga aktor na sina Sylvia Sanchez at Dimples Romana kasama ang kanyang mga anak. Sina Sylvia at Dimples ay kapwa gumanap sa teleseryeng The Greatest Love na pinamunuan ni Gracio ang grupo ng mga screenwriter. (GMG)

Hinahamak niya ang lahat kahit ang pagtataingang-kawali ng aniya’y “Diyos na niluluhu­ran sa ating mga dasal.”

Sinabi niya ito sa Pahina 19 ng Hindi Bagay, koleksiyon ng kanyang mga tula na kakambal ng Bagay tayo:

Manalangin tayo kapag umiibig…

Kahit na madalas ay di nakikinig

Sa atin ang Diyos na nilulu­huran.

Sa totoo lang, parang komiks na dugsungan itong Bagay Tayo ni Gracio, gaya ng kanyang ibang akda para sa telebisyon at pelikula na mahirap bitawan.

‘Yun bang tipong kapag inutusan ka ng nanay mo na maghugas ng pinggan habang binabasa mo ang kanyang akda, e bigla kang sisimangot at aangal, at kapag sumunod na­man sa utos ay itatago ang libro para walang umagaw sa iyong pagbabasa.

BOOK SIGNING. Nilalagdaan ni Jerry Gracio ang kopya ng mga aklat, Bagay Tayo at Hindi Bagay. (GMG)

Hindi lang love story ang Bagay Tayo. Ito ay ‘kurso’ at ‘diskurso’ kung paano magtata­gumpay ang isang relasyon sa kabila ng maraming kom­plikadong sitwasyon na hindi kinikilala ng mga normatibong kairalan sa lipunan.

Mapapatunayan ito sa ‘Conjugal Visit,’ isang kabanata sa Bagay Tayo. Ipinaglaban nina Je at Pitbull sa awtoridad ang karapatan para rito. Kailangan ninyong basahin ang libro para malaman ninyo kung ano ang naging resulta ng labang ito.

Simula nang mabasa ko ang mga post ni Jerry sa social media, binansagan ko ang rela­syon nila ni Pitbull bilang pag-ibig na ‘walang kasarian.’

Kung may tinatawag na platonic love (mayroon nga ba?), gusto kong tawagin ang relasyon nina Je at Pitbull na ‘genderless love.’

Ewan ko kung papayag si Gracio, pero para sa akin, nag­daan man gaya sa pinagda­raanan ng ‘normal’ na relasyon ng ‘babae at lalaki’ ang proseso ng pag-iibigan nila ni Pitbull, hindi maitatatwa na nagluwal ito ng relasyon at unawaan na higit pa sa kayang abutin o marating ng mga ‘magka­rela­syon’ sa normal na sitwasyon.

Lumikha sila ng ibang ‘antas’ ng unawaan at pag-ibig na hindi pinag-uusapan kung sino ang babae at lalaki kundi dinarama ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa.

Muling pinatunayan ni Gracio na hindi lamang malam­lam na karera ng isang artista ang kaya niyang i-reinvent at pagningningin sa pamamagitan ng kanyang panulat.

Pinatunayan ni Jerry, na maging ang pambihirang pag-ibig na gaya ng sa kanila ni Pitbull ay kayang magningning at maaaring umiral nang may respeto at walang pagsa­saman­tala, may pagbibigay pero walang kabig nang kabig, may sakripisyo at ginhawa, at higit sa lahat may kinabu­kasan na tinatanaw.

‘Yan ang katunayan na siya ay tunay na tao at ang ku­wento nila ni Pitbull ay totoo.

Si Gracio, makata at screenwriter, kasalukuyang Senior Writer ng ABS CBN, at Commissioner for Samar-Leyte languages ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)  ay tumanggap ng mga gawad at parangal mula sa Gawad Likhaan: The University of the Philippines Centennial Prize for Literature 2015;  Southeast Asia Writers (SEAWrite) Award, at iba pang kara­ngalan.

Huwag hayaang magka­roon ng sequel ang Bagay Tayo nang hindi ito nababasa. Bumili ng inyong (mga) kopya sa National Bookstore, ngayon  na!

About Gloria Galuno

Check Also

Prestone

 A New Era of Vehicle Protection is Here with Prestone’s 5X Superior Protection Guaranteed

The #1 Brake Fluid and #1 Coolant in the Philippines unveils the new look of …

Puregold Masskara Festival

Mga kilalang OPM artist nakipista sa Bacolod Puregold MassKaravan at Concert

SAMA-SAMANG dinala ng mga hip-hop icon na sina Skusta Clee at Flow G at PPop megastar na SB19ang panalo spiritsa Puregold …

DOST Region 02 Expands STARBOOKS Access in Sto. Tomas, Isabela

DOST Region 02 Expands STARBOOKS Access in Sto. Tomas, Isabela

The Department of Science and Technology (DOST) Region 02 continues to expand its STARBOOKS program …

Ysabel Ortega Miguel Tanfelix Rhea Tan Sofia Pablo Shaira Diaz Beautederm Belle Dolls

Miguel mala-Ken Doll sa Belle Dolls launch

RATED Rni Rommel Gonzales NAGMISTULANG Ken Doll si Miguel Tanfelix sa piling ng tatlong Barbie Dolls na …

PlayTime Binibining Pilipinas

PlayTime binigyang papremyo mga nagwagi sa Binibining Pilipinas

NAGKALOOB ng papremyo ang PlayTime, lumalagong online gaming entertainment platform, sa mga kandidato ng Binibining Pilipinas na nanalo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *