KASAMA ng mga basura, nahakot ng dump truck ang bangkay ng isang paslit sa loob ng isang bag sa Parañaque City, nitong Linggo.
Inilarawan ng pulisya ang biktimang nasa edad 2-3, naaagnas na ang katawan kaya hindi na matukoy ang kanyang kasarian,at nakasilid sa brown bag na natatakpan ng sako ng bigas.
Ayon sa ulat na natanggap ni Southern Police District director, C/Supt. Tomas Apolinario, bandang 12:00 pm nang matagpuan ng mangangalakal ng basura na si alyas Longlong ang naturang bag sa loob ng garbage truck, na may markings na RRB-02, habang nakaparada sa Dasa Avenue, Hontiveros Compound, Fourth Estate, Brgy. San Antonio ng naturang lungsod.
Dali-dali niya itong inilagay sa isang plastic bag sa pag-aakalang mapakikinabangan ang laman nito. Nang bumaba siya sa truck, agad binuksan ni Longlong ang bag at nagulat nang tumambad sa kanya ang naaagnas na bangkay ng isang paslit.
Mabilis niya itong ipinabatid sa kapwa mangangalakal ng basura na si Dedith Fabia, 40, na siyang nag-ulat sa insidente sa Parañaque City Police.
(JAJA GARCIA)