NAALALA ko noong aking kamusmusan ang dating popular na komentarista sa radyo na si Ka Damian Sotto sa klase ng mga pamimilosopo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Malaki ang pagkakahawig ng paniwala mayroon si Pres. Digong kay Ka Damian noon at kapwa sila nagtataglay ng malaking pagdududa na may Diyos.
Malimit maging paksa ni Ka Damian noon sa kanyang programang “Manindigan Ka” ang pagpuna sa mga doktrina ng Simbahang Katolika at mga Kristiyanong relihiyon na nakabase ang pananampalataya sa Biblia.
Sa isang ‘di malilimutang pangyayari, naranasang bumagsak at matulog ni Ka Damian sa entablado matapos masapak sa panga habang nakikipagdebate sa paksa kung may Diyos ba o wala.
Pero ang sikat na programa ni Ka Damian na sinusundan noon ng marami ay hindi na muling narinig sa radyo pagkatapos ideklara ang Martial Law.
Inabot ko pa ang dalawang dating komentarista sa radyo na kapwa malapit kay Ka Damian, ang five-time Palanca awardee na si Rolando “Ka Uding” Bartolome at Lucio de Gala na kapwa pumanaw na rin.
Ilang taon bago siya pumanaw, nabago ang paniwala ni Ka Damian at sa huling sandali ay nagsisi sa pagkakamali at naniwalang may Diyos, kuwento nina Ka Uding at Ka Lucio.
Ang pagkakaiba lang ni Pres. Digong, siya ay pangulo ng bansa at si Ka Damian ay hindi.
Anomang kapangyarihan mayroon si Pres. Digong sa gobyerno bilang pangulo ay hindi na nito saklaw na pakialaman, panghimasukan at lapastanganin ang paniniwala o pananampalataya ng sinoman.
Sarilinin na lang dapat ni Pres. Digong kung ano ang nais niyang maging paniwala at hayaan ang iba na pumili ng kanilang paniwala.
Tutal, wala namang interesado sa paniwala ni Pres. Digong kaya’t hindi na importanteng idamay niya ang iba na maging kapareho niya ang paniniwala.
Saan ka naman nakakita ng bansa na ang Diyos ay puwedeng murahin pero ang pangulo ay ni hindi puwedeng kontrahin? ‘Di ba dito sa ‘Pinas lang?
Kung sa paniwala ni Pres. Digong ay parang tao lang na tulad niya ang Diyos na puwedeng makipag-selfie ay bahala siya sa kanyang sarili dahil wala namang pumipigil sa gusto niyang paniwalaan.
Sino naman kaya ang papayag, halimbawa, na ang Diyos ay kamukha lang pala ni Pres. Digong, aber?
Aba’y, ayawan na ‘pag nagkagano’n!
Hindi na rin kailangan pang maghamon ni Pres. Digong sa makapagpapakita ng larawan para patunayang may Diyos kapalit ng kanyang pagbibitiw dahil wala namang nagsasabing bumaba siya sa puwesto.
Kaya lang naman malakas ang loob ni Pres. Digong na makipagpustahan, alam niya kasi na kahit ang pinakamalapit na bituin sa langit na nilikha ng Diyos ay imposibleng marating ng tao.
At hindi na kailangan ang camera para patunayang may Diyos dahil nasisiguro natin na kahit pa marating ng tao ang kinaroroonan ng Diyos ay imposibleng makapag-selfie.
Dito lang sa mundo nagagamit ang camera o CCTV, sa langit ay hindi kailangan ‘yan dahil wala namang kriminal doon.
Makabubuting ituon na lang ni Pres. Digong ang panahon sa paglutas ng mga pangunahing problema ng bansa, imbes ang pakikisawsaw sa relihiyon.
Mas dapat seryosohin ng administrasyon ang pagsugpo sa katiwalian sa pamahalaan, ang ugat ng mga problema ng ating bansa.
Walang pinakamabisang paraan na ipahiya at mapatahimik ang mga kritiko ng administrasyon ni Pres. Digong kung ‘di ang katuparan sa kanyang mga ipinangako.
Sa mga ikinagagalit ang pamumusong ni Pres. Digong, hayaan na lang natin na tadhana ang humusga sa kanya dahil siya naman ang gumagawa ng kanyang ikasasama.
Sabi nga: “Buntot niya, hila n’ya!”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid