IPINAAARESTO ang apat sa walong akusado sa Soliman A. Villamin case.
Naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court, National Capital Judicial Region Branch 93 ng Quezon City laban sa mga akusadong sina Jorge Billamil, Ferdinand Medina, Joemel de Jesus, at Dennis Sta. Ana Go sa paglabag sa Republic Act 10175 o ang Philippine Cybercrime Prevention Act of 2012.
Inilabas ang naturang warrant of arrest sa sala ni Judge Arthur Malabaguio.
Nag-ugat ang kaso matapos maghain ng reklamo si Villamin, Pangulo ng DV Boer Farm, Inc. (DVBF), isang kompanyang nagma-manage at nag-o-operate ng mga farm sa Lian, Batangas.
Naglunsad si Villamin ng PAIWI system para makatulong sa mga large-scale livestock raising at breading sa buong bansa, na nagbebenta ng mga livestocks sa mga agri-business na walang sariling farm at handang maging DVBF’s PAIWI partners.
Dahil naging matagumpay si Villamin sa kanyang negosyo naalarma ang ibang goat raisers at natakot kung kaya’t naglabas ng mga mapanirang pananalita o libelous statements sa social media gaya ng Facebook laban kay Villamin na pawang walang katotohanan.
Umabot sa korte ang isyu hanggang magpalabas ng mandamiento de arresto si Judge Malabaguio laban sa mga akusado.
Inatasan ang mga hepe ng pulisya sa lalawigan ng Nueva Ecija, Tarlac at Pampanga na ipatupad ang pag-aresto sa loob ng sampung (10) araw matapos nilang matanggap ang nasabing utos.
Si Jeorge Villamil ay sinabing matatagpuan sa Pampanga State Agricultural University, Pampanga; si Medina sa Purok 4, Don Bonifacio, 2009 Balibago Angeles, Pampanga; si De Jesus sa Brgy. Batang Paniqui, Tarlac; at si Sta Ana Go sa Brgy. Campo Tinio, Cabanatuan, Nueva Ecija.
Gayonman pinayagan makapagpiyansa ang mga akusado ng halagang P16,000 bawat isa.