SA lumalaking bilang ng pasyenteng dumudulog ng ayudang pinasiyal, kulang na kulang ang kawani ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang mas lalo pang maging epektibo sa pagtugon sa kawanggawa.
Bukod diyan, kailangan din iangat ang kalidad ng sistema’t kagamitan upang mas lalo pang makaangkop sa proseso ng dokumentasyon ng mga pasyente para agarang makatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng guarantee letter (GL), ang katumbas na cash na pambayad sa ospital.
Sa administrasyon ni Pangulong Duterte na siyang nagtalaga sa retiradong Marine major general na si Alexander Balutan bilang general ma-nager ng PCSO noong Steyembre 2016, kapansin-pansin ang paglaki ng kita ng ahensiya pero kasabay naman ang paglaki ng bilang ng mga naaayudahang pasyente sa buong bansa. Mahigit 400,000 pasyente noong 2017, mula sa mahigit 260,000 noong 2016, ang naayudahan ng pinansiyal na tulong mula sa kabuuang kinitang halos P53 bilyon.
Dapat din malaman ng mamamayan na 55% mula sa kabuuang kita ng PCSO ay ginagamit para sa prize fund o ang papremyo ng mga nananalo sa Lotto, Keno, Sweepstakes, at ang Small Town Lottery (STL); 15% para sa opera-ting fund ng PCSO o sa simpleng pananalita, ay para sa suweldo at iba pang gastusin ng ahensiya; at 30% para sa charity fund o ayudang pinansiyal para sa mga mamamayang nangangailangan.
Ang pondo ng PCSO ay hindi galing sa General Appropriations Act (GAA) ng Kongreso. Galing ito mismo sa gaming public.
Dapat kasabay ng paglago ng nakakalap na pondo ang pagdami rin ng kawani ng PCSO.
Sa katunayan, may ilang pasyente o kaanak ng pasyente na pumipila nang ilang oras, araw o isa hanggang tatlong buwan bago matanggap ang kanilang GL kung kaya nauubusan ng pasensiya at naibubunton ang galit nila sa social media. Halimbawa, sa Lung Center of the Philippines (LCP) sa Quezon City pa lamang, mahigit 400 pasyente ang nasa pila kada araw makakuha lamang ng ayudang pinansiyal mula sa PCSO. Kulang ang social worker sa haba ng pila para mabilis na maiproseso ang mga dokumento.
Upang maibsan ang pila sa LCP, naglagay ang PCSO ng ASAP (At-Source-And-Processing) Desk sa mga partner-hospital pero karamihan pa rin ay nasa Metro Manila. Kailangan na rin talagang dalhin ang desk sa kanayunan lalo sa mahihirap na probinsiya na marami ang kapos-palad nating kababayan na nangangailangan ng ayudang pinansiyal para sa kanilang kalusugan.
Pero hindi pa perpekto ang sistema ng ASAP desk dahil kailangan ang tuloy-tuloy na ugnayan at pagsasaayos upang sa gayon ay mapabilis ang proseso ng mga dokumento at hindi mahirapan ang pasyente sa pagkuha ng GL para sa kanyang pagpapa-ospital.
Hindi malayong malalatagan ng branch o sangay ng PCSO sa bawat probinsiya ng bansa basta patuloy ang suporta ng Pangulo sa liderato ng ahensiya.
E-mail: [email protected]