LUMOBO sa P3.5 bilyon kada araw ang katumbas na halagang naaaksaya dahil sa patuloy na paglubha ng trapiko sa Metro Manila, ayon sa pinakahuling report ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na ilalabas sa Abril.
Umabot sa P1.1-B ang halaga ng prehuwisyong dulot ng trapiko sa ekonomiya ng bansa noong 2017, kompara sa P2.4-B report na inilabas ng JICA noong 2014.
Hindi na nakapagtataka ang ulat ng JICA dahil wala naman naipamalas na kakayahan ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng batas na masugpo ang mga pangunahing sanhi ng problema sa trapiko.
Imbes mabawasan ay lalong yumabong ang mga sagabal na illegal parking, illegal terminal at illegal vendors na pinatatakbo ng sindikato sa mga lansangan na nagpapayaman sa mga lokal na opisyal sa Metro Manila.
Sabi ni dating Manila mayor at ngayo’y Buhay party list Rep. Lito Atienza:
“Traffic enforcers are not enforcing the law. They are looking the other way and allowing corrupt interests to take precedence over performing their sworn task. An example of this is the continued proliferation of illegal bus and jeep terminals.”
‘SIGA’ NG ILLEGAL
TERMINAL
MAPANOT SANA
ANG ULO
PAANO nga naman malulunasan ang problema sa trapiko kung pati ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at pulisya na naatasang magpatupad ng batas ay nakasawsaw sa limpak na kita na dumadaloy mula sa illegal terminal, illegal vendors at illegal parking.
Kahit parang sirang-plaka si Pang. Rodrigo “Digong” Duterte ay wala namang resulta at nanatiling pangako lang na napako ang paulit-ulit na bantang ipabubuwag ang mga ilegal na raket.
Sa Maynila ay patuloy ang pamamayagpag ng mga salot na illegal terminal at illegal vendors sa mga pangunahing lansangan na nagpapasikip sa trapiko.
Araw-araw halos ay walang puknat na binobomba ng media ang MMDA, Manila Police District (MPD) at ang lokal na pamahalaan sa buwisit na illegal terminal sa palibot ng Liwasang Bonifacio sa Plaza Lawton.
Noong nakaraang taon, kasama ang kanyang mga tauhan sa MMDA, binuwag ni Chairman Danilo ‘Danny’ Lim ang nabanggit na illegal terminal.
Nagbanta si Gen. Lim na sandaling makabalik ang illegal terminal ay kanyang kakasuhan sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng barangay na may sakop sa Plaza Lawton.
Ang Plaza Lawton ay sakop ng Barangay 659-A na pinamumunuan ni Chairwoman Ligaya V. Santos.
Pero hanggang ngayon ay walang kaso na naisampa si Gen. Lim at ang MMDA laban kay Santos at kasamahang opisyal ng barangay kahit patuloy ang prehuwisyo ng illegal terminal sa mga motorista, ang pangunahing sanhi ng pagsikip ng trapiko sa Maynila.
Talaga bang siga ang utak ng illegal terminal na ‘yan sa Lawton na ultimo dating Army Scout Rangert ay napapaamo?
Umabot pa ngayon hanggang sa karatig na barangay ang operasyon ng sindikatong nasa likod ng illegal terminal, hanggang sa tapat na mismo ng Manila City Hall.
Samantala, ang makapal at pesteng illegal vendors sa Divisoria ay hindi masasawata dahil nag-aakyat umano ng koleksiyon sa kerida ng isang mataas na opisyal sa City Hall.
Mapanot daw sana ang ulo ng lider ng sindikato na nasa likod ng illegal terminal na sakop ng barangay ni Santos, sabi sa atin ng isang pulis sa MPD.
Mistulang palabas na senakulo at drama rin ang ilang ulit na operation ng MMDA laban sa illegal vendors sa kahabaan ng Roxas Blvd., Baclaran.
Napagkakamalan tuloy na tuko si Gen. Danny Lim sa sobrang higpit ng kanyang kapit sa puwesto.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])