KINASTIGO ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang hindi pagtalima ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ‘commitment order’ ng isa sa mga principal accused sa pagpuslit ng mahigit sa P6.4 bilyong halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BOC) na nasabat sa Valenzuela City noong Mayo.
Nagpalabas ng “show cause order” noong Biyernes (Feb. 9) si RTC Branch 46 Judge Reinelda Estacio-Montesa para pagpaliwanagin ang NBI kung bakit sinuway ang kautusan ng hukom sa paglipat kay bigtime “fixer” cum “broker” Mark Ruben G. Taguba sa selda ng Manila City Jail (MCJ).
Sa nasabing show cause order, inutusan ng hukom si Menardo Cariaga, hepe ng NBI Custodial Center, na ipaliwanag sa loob ng dalawang araw ang katanggap-tanggap na dahilan kung bakit hindi sila dapat patawan ng ‘contempt’ matapos ibasura ng hukuman ang hirit na VIP treatment ni Taguba.
Matatandaan, noong Feb. 9, binalewala ni Estacio-Montesa ang mosyon ni Taguba na manatili sa NBI Custodial Center.
Walang nakitang ebidensiya ang hukom na may banta ng panganib sa paglipat kay Taguba sa MCJ, base na rin sa inihaing mosyon ng kanyang kampo.
Sinabi ng hukom sa kanyang desisyon na walang mandato ang NBI o alinmang attached agency ng Department of Justice (DOJ) para maging custodian ni Taguba.
Kasunod ng pagbasura sa naunang mosyon ay agad naghain ng panibagong ‘urgent motion’ ang abogado ni Taguba para igiit ang pananatili sa NBI.
Dapat sumunod ang NBI sa umiiral na utos ng hukuman dahil ‘yun ang rule of law, habang wala pang desisyon ang hirit na hindi naman talaga urgent motion ng kliyenteng si Taguba.
Muli tayong pinahanga ni Estacio-Montesa dahil may hukom pa pala na tulad niyang hindi papayagang mabaluktot ang batas at katarungan.
MONTESA NG MANILA RTC
AT WAGAN NG PASAY RTC
NABABAGAY SA JUDICIARY
Si Montesa ay tulad rin ni Pasay City RTC Branch 111 Presiding Judge Wilhelmina Wagan na hindi ikinokompormiso ang katarungan.
Minsan nang pinagbantaan na sasampahan ng kaso at pinagtulungang i-harass ng mga mandurugas na mambabatas sa Senado, pero hindi napatakot si Wagan sa kanyang makatarungang pagpapasiya.
Kaya’t mapalad ang bansa habang may mga hukom na gaya nina Montesa at Wagan na masasandigan ang mamamayang umaasa ng patas na katarungan.
Pasado ang kalidad nina Montesa at Wagan na kailangan sa Korte Suprema at alinmang mataas na sangay ng pamahalaan.
PASTOR QUIBOLOY INARESTO
SA $350,000 AT GUN PARTS
SMUGGLING SA HONOLULU
Naaresto sa Hawaii ang lider ng Philippine mega church Kingdom of Christ (KJC) na si Apollo Quiboloy, tatlong araw ang nakararaan.
Ayon sa balita, nasabat ng Customs and Border Enforcement agents noong Martes, Feb. 13, sa loob ng private Cessna Citation Sovereign na sasakyan sana ni Quiboloy pabalik ng bansa ang $350,000 cash na natagpuang nakasilid sa mga medyas at mga piyesa ng baril para sa matataas na kalibre ng riple.
Matapos akuin ni Felina Salinas, 47, isang US citizen at residente ng Makakilo, Hawaii, na kanya ang natagpuang pera at kontrabando ay pinayagan din ng mga awtoridad na makaalis ng Hawaii si Quiboloy at ilan pang kasamahan matapos madetine nang isang araw sakay ng commercial flight pabalik ng bansa.
Kompiskado rin ang eroplanong Cessna Citation Sovereign na pinaniniwalaang private plane ni Quiboloy na ipinagamit kay Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa kampanya noong 2016 presidential elections.
Ilang taon ang nakararaan, nabilanggo sa Las Vegas ang maybahay ni noo’y senador Lito Lapid na si Marissa matapos masabat ng US authorities ang limpak-limpak na dolyares sa kanyang bagahe na nakasilid sa medyas.
Umamin ang maybahay ng dating senador na sa kanya ang pera na galing sa kanyang asawang mambabatas at matagal sumailalim sa house arrest hanggang matapos ang ipinataw na hatol sa kanya ng hukuman.
Ang problema ng gagong umako ay paano niya ipaliliwanag kung saan niya kinuha ang abuloy, este, nasabat na kuwarta.
Malamang kaysa hindi, mapurnada rin pati ang private plane na kamukhang-kamukha ng malimit gamitin ni Quiboloy, may-ari ng Sonshine Radio.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])