DARATING na raw ang mga piyesa na kakailanganin para maayos ang mga tren ng MRT 3 na naging pasanin ng bawat pasahero nito sa mga nakalipas na taon.
Ang mga piyesa ay ay manggagaling daw sa Germany, China at ilan pang bansa mula sa Europa.
Dahil dito, unti-unting nagkakaroon ng pag-asa hindi lamang ang mga pasahero ng MRT kundi ang mga opisyal ng Department of Transportation na maya’t maya ay bugbog-sarado mula sa mga pagbatikos ng bayan dahil sa kanilang pagiging inutil.
Ngayon pa lang ay umaasa na ang marami na mawawakasan ang walang humpay na aberya at giginhawa na rin ang pagbiyahe ng mga daan-daang libong pasahero.
Ang tanong lang ay kung gaano ba katiyak ang pamahalaan natin ngayon na ang mga kinontratang kompanya mula sa iba’t ibang bansa na magsusuplay ng kinakailangang piyesa ay maayos, compatible o akma sa naglolokong train system? Baka gaya na naman ‘yan ng nakaraang administrasyon, na matapos bumili ng napakaraming bagon, ay nakatengga lang at hindi napakinabangan. Huwag naman sana.
Lubos tayong umaasa ngayon na masosolusyonan nang tuluyan ang malaking problemang ito sa MRT. Sa sandaling pumalpak na naman, sino ba ang laging apektado at talo? Siyempre, walang iba kundi ang ating maliliit na mamamayan o pasahero na umaasa sa epektibong mass transportation na kanilang inaasahan na maghahatid sa kanila papasok sa trabaho at pauwi sa kani-kanilang tahanan.
Huwag sana tayong umasa sa wala.