MAGSISILBING template para sa ibang mga koponan ang 100-94 panalo ng Barangay Ginebra kontra sa San Miguel Beer noong Linggo.
Puwede palang talunin ang San Miguel. Iyon kasi ang unang kabiguan ng tropa ni coach Leo Austria.
At ang matindi doon ay kulang sa tao ang Gin Kings, o. Mayroon nga silang three-game losing streak, e.
Hindi pa rin nakapaglaro noong Linggo ang seven-footer na si Gregory Slaughter at si Joe DeVance.
So papasok sa laro ay talagang dehado ang koponan ni coach Tim Cone.
Sino ba ang maitatapat nila sa four-time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo?
Hindi kakayahnin ni Japhet Aguilar na mag-isang pigilan si Fajardo.
Pero mayroon palang puwedeng pumigil kay Fajardo! Yung isang Aguilar! Si Raymond!
Biruin mo iyon? Parang hindi inaasahan, e.
Kasi kung titignan ang history ni Raymond hindi naman siya superstar. Katunayan ang huli niyang pinaglaruan ay ang Blackwater Elite.
Nakasama siya sa palitan ng tigalawang manlalaro sa third conference noong nakaraang season. Ang talagang target ng Gin Kings ay si Art dela Cruz at isinama na lang si Aguilar. Ipinamigay ng Gin Kings sina Dave Marcelo at Chris Ellis.
Hanggang ngayon ay hindi nakapaglalaro si Dela Cruz. Pero napakinabangan na si Raymond Aguilar.
At ngayon ay tiyak na hahanap ang mga ibang teams kung sino sa kanilang players ang puwedeng maging Raymond Aguilar kapag katapat na nila ang San Miguel Beer.
Dapat ay mayroon silang ganoong klaseng manlalaro para magkaroon sila ng tsansa!
SPORTS SHOCKED
ni Sabrina Pascua