HINDI naging maganda ang Pasko ng marami nating mga kababayan sa Visayas at Mindanao dahil sa pananalasa ng bagyong Urduja at Vinta na tumama sa kanila bago pa sumapit ang Kapaskuhan.
Mas nakalulungkot ay iyong dami ng mga namatay sa kalamidad. Base sa tala ng NDRRMC, mahigit sa 200 ang nasawi mula sa Mindanao dahil sa paghagupit ng bagyong Vinta, at maraming iba pa ang patuloy na nawawala.
Laging ganito na lang yata ang sitwasyon, may mamamatay at mawawala tuwing may kalamidad. Kung tutuusin, puwede naman itong maiwasan kung mahigpit na ipatutupad ng mga lokal na pamahalaan ang forced evacuation sa ganitong panahon. Hindi dapat sila padaig sa katigasan ng ulo ng mga tao, kung maaaring bitbitin ay bitbitin para sa kanilang kaligtasan. At siyempre kailangan ang kooperasyon ng mga mamamayan.
Dapat na ang national government ay magpataw ng parusa sa local government na makapagtatala ng malaking bilang ng mga casualty, kasi nangangahulugan na naging pabaya sila – pabaya sa pagpapaalala at pangungulit sa kanilang mga nasasakupan.
Sana sa papasok na taon, mabigyang halaga ng ating pamahalaan ang pagpapaigting ng kampanya laban sa mga kalamidad, at isa na rito ay bigyang parusa ang mga lokal na pamahalaan na magiging pabaya sa kanilang constituents base sa bilang ng mga masasawi sa anumang kalamidad.