PINAYAGAN ng Sandiganbayan ang nakapiit na si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na magdiwang ng Pasko kasama ng kanyang pamilya sa Bacoor, Cavite.
Sa minute resolution na may petsang 20 Disyembre, pinahintulutan ng First Division ang mosyon ni Revilla na lumabas ng piitan sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame mula 11:00 am hanggang 9:00 pm sa 24 Disyembre.
Sinabi ng Sandiganbayan, si Revilla ang sasagot sa gagastusin ng PNP sa paghahatid sa kanya sa kanilang bahay at ang gagamiting komunikasyon ay mahigpit na babantayan.
“All expenses to be incurred by the PNP for the personal escorts and security measures in all movements and dispositions of the accused outside Camp Crame until his return to his detention facility, as authorized herein, shall be shouldered and paid by the said accused,” ayon sa resolusyon.
Kasabay nito, inatasan ng anti-graft court si PNP chief, Director General Ronald dela Rosa na makipag-coordinate sa Sheriff’s Office sa paglalaan ng “adequate personal escorts and security measures in all movements and dispositions of accused Revilla.”