MINALIIT NI Vasyl Lomachenko ang dahilan ni Guillermo Rigondeaux na napilay ang kaliwa nitong kamay kung kaya sumuko siya sa laban sa 7th round noong Linggo sa bakbakan nila para sa WBO super featherweight championship na ginanap sa The Theater sa Madison Square Garden.
Kategorikal na sinabi ni Lomachenko na kung siya ang nasa kalagayan ni Rigondeaux ay hindi siya susuko sa laban at ipagpapatuloy niya ang bakbakan kahit pa nga sira ang kaliwa niyang kamao.
Ang pahayag na iyon ay ibinase ni Lomachenko sa personal niyang experience sa ring.
Naalala ni Lomachenko ang sariling experience noong lumaban siya sa Macau, China tatlong taon na ang nakararaan nang makaramdam siya ng matinding pananakit ng kaliwang kamay pero tiniis niya ang nararamdaman at itinuloy niya ang laban. Nagawa pa rin ng kaliweteng si Lomachenko na manalo laban kay Suriya Tatakhum ng Thailand via unanimous decision sa harap ng mga manonood sa Cotai Arena na kung saan ay undercard sila ng labang Manny Pacquiao-Chris Algieri.
”You know, I fought with one hand in Macau,” kuwento ni Lomachenko. “So it depends [on] you. If you wanna win, if you wanna fight, you’re willing to die in the ring.”
Hanggang sa kalalukuyan ay wala pang pahayag ang kampo ni Rigondeaux kung ano na nga ba ang nangyari sa kaliwa niyang kamay. Hinihintay pa ang resulta ng x-ray habang isinusulat ang balitang ito.
Samantala, naghihintay pa rin ng tunay na pahayag si Lomachenko sa kampo ni Rigondeaux sa tunay na dahilan ng pag-ayaw ng huli sa laban. Hindi niya nagawang itanong iyon dahil hindi ito dumalo sa post-fight press conference.