Ang ikalawang pagbabanta
hataw tabloid
December 7, 2017
Opinion
KUNG ang death threat ay ‘lumagos’ sa pribadong pamamahay ng isang mamamahayag sa pamamagitan ng ‘linya ng telepono,’ makaaasa pa ba ng kaligtasan ang pamilyang nananahan sa nasabing bahay?!
Tanong ito base sa karanasan kamakalawa ng isang beteranong mamamahayag na si Mat Vicencio, kolumnista at editorial consultant ng pahayagang HATAW D’yaryo ng Bayan na muli na namang ‘dinalaw’ ng death threat.
Kung noong una, sa pamamagitan ng text messages siya pinagbantaan na hindi na aabot ng (P)asko, kamakalawa, ‘winasak’ ng ‘masamang nilalang’ ang kanyang privacy nang pagbantaan siya sa kanilang landline.
Sa post sa Facebook account ng kabiyak ni Vicencio na isang mamamahayag rin, “Tawag sa telepono (PLDT) sa bahay ang nangyari kanina. Hindi ako nakalista sa yellow pages, ‘yun ay base sa request ko sa PLDT. Bilang ko sa aking mga daliri ang nakakaalam ng numero namin, at karamihan pa sa may alam ay mga kaanak pa. Paano nangyari ‘yun?
“Kung iisipin, ‘napasok’ na nila ang bahay namin. At oo, natatakot ako para sa buhay ng pamilya ko. Paano ka hindi matatakot? Dapat bang manahimik? Hindi.”
At gaya nang dati, ang tanging nagawa ni Vicencio ay magpa-blotter.
Maliban sa pagbibigay-alam sa tanggapan ng pahayagan, sa mga organisasyon ng mga mamamahayag at pagtimbre sa ilang mga kaibigan sa sirkulo, walang ibang mapagsusumbungan si Vicencio dahil ang hinihinala niyang nagbabanta sa kanya ay hepe ng Presidential Task Force on Media Safety (PTFoMS), ang ahensiyang dapat sana ay nakatuon sa kaligtasan ng mga mamamahayag.
Sa mga organisasyong sinulatan ni Vicencio, sabi nga ng kanyang kabiyak, mayroong tumugon at umaksiyon pero mayroong nagkibit-balikat.
Siyempre patuloy na itatanggi ng suspek sa pagbabanta kay Vicencio, ang akusasyon.
Kung tutuusin, ang insidenteng ito ay tila tilamsik ng titis sa tuyot na talahib. Imbes buhusan ng tubig ay hinipan kaya lalong nagliyab.
Hindi nagpaliwanag ang PTFoMS sa isyung ipinukol sa kanila ni Vicencio tungkol sa kaligtasan ng mga mamamahayag.
Sa halip, pinatiktiktikan si Vicencio hanggang makatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Sa nakaraang press briefing sa Palasyo, nangako si Presidential Spokesperson Harry Roque na uupuan niya ang isyung inilahad sa kanya ni Bella Cariaso, ang reporter ng Inquirer Bandera na nakaranas ng harassment matapos niyang isulat sa kanyang kolum ang death threat kay Vicencio.
Sa binitiwang pangako ni Secretary Roque kay Cariaso na siya ay makikipag-usap, haharapin at iimbestigahan ang inilahad ng Palace reporter, umaasa ang HATAW D’yaryo ng Bayan na magwawakas ang ‘isyung’ ito sa makatarungang paraan.