Friday , December 27 2024

Licensing power ng PAGCOR ililipat sa Kongreso (Sa House Bill No. 6514 nina Alvarez at Bondoc)

KAPAG naaprubahan ang House Bill No. 6514 na inihain ni Speaker Pantaleon Alvarez na co-author si Rep. Juan Pablo Bondoc, ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ay magiging Philippine Amusement and Gaming Authority (PAGA) na lamang.

Ayon sa explanatory note sa nasabing House Bill, dahil parehong operator at regulator ng mga casino ang PAGCOR, hindi maiiwasang pagdudahan kung may sapat ba silang kakayahan o abilidad para epektibong maipatupad ang kanilang regulatory powers.

Hindi ba’t ganito ang karanasan natin kay dating PAGCOR Chairman Ephraim Genuino?!

Maraming casino ang nabigyan nila ng prangkisa o lisensiya, pero sa huli ay natuklasan kasosyo umano sila?

Kung maaaprubahan at magiging batas ang HB 6514 na inihain ni Alvarez at ni Bondoc, magiging regulatory agency ang PAGCOR, habang tanging ang Kongreso ang puwedeng magbigay ng lisensiya sa mga casino na papasok sa bansa o sa mga nagre-renew.

Siyempre lahat naman ay may pros and cons lalo na kung magkakaroon ng ‘ibang’ agenda ang mga namamahala rito.

Pero kung ‘in good faith’ sa pagpapatupad ng batas, mas balanse talaga kung magkahiwalay ang trabaho ng lisensiya at regulasyon ng mga casino.

Sa ilalim ng HB 6514, lahat ng gaming operations ay kukuha ng lisensiya sa legislative franchise sa Kongreso, gaya ng mga gamit pampubliko.

Ang mga kasalukuyang lisensiyado mula sa PAGCOR, ay bibigyan ng isang taon upang kumuha ng legislative franchise upang ang kanilang operasyon ay hindi maging ilegal.

Limang porsiyento ang ipapataw na franchise tax sa pinagsamang gross earnings.

Ang kabuuan ng buwis na nakolekta mula rito ay ilalaan sa charitable and social obligations ng PAGCOR at ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang PAGA (magiging bagong pangalan ng Pagcor) ay magiging regulatory office ng PCSO, Games and Amusement Board (GAB), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Aurora Pacific Economic Zone and Freeport (APECO), Freeport Area of Bataan, at iba pang special economic zones.

Ang PCSO ay magiging purong charitable institution at benepisyado sa paghahati ng mga pondo mula sa sweepstakes operations ng mga pribadong kompanya o operator.

Lulusawin na ang GAB na namamahala sa professional sports at tumututok laban sa illegal gambling dahil mapupunta na sa PAGA ang kanilang trabaho.

Malawak na reoryentasyon pala ang kaila­ngan kapag naaprubahan ang nasabing house bill.

Wala naman tayong makitang negatibo sa batas na ito. Siguro susulpot ang iba’t ibang problema sa implementasyon.

Tiyak na magkakaroon din ng mahabang deliberasyon ang house bill na ito at malamang bumaha ang lobbying money.

Hindi nakapagtataka na dahil panahon ng kapaskuhan ay may ilan nang nagaganap na usap-usapan sa pali-paligid.

Hindi lang pakape-kape, baka nga mayroon pang pabiyahe-biyahe, pakotse at iba pang pabor mula sa mga grupo o sector na maapektohan ng house bill ni Speaker Alvarez.

Abangan!

PARKING SA MALLS
DAPAT NGA BANG
PASANIN
NG CUSTOMERS?

MATAGAL na nating pinupuna ang sistema ng mga mall, malalaking ospital, at iba pang business establishments  na pinagbabayad ng parking fee ang kanilang mga kliyente.

Mabuti naman at naisipan maghain ng House Bill 5061 ni Manila District 1 Rep. Manny Lopez na naglalayong huwag singilin o pagbayarin ang mga kliyente o customers ng isang mall kapag namimili sa kanilang establisyemento.

Hindi ba’t may mga establisyemento na kapag ipinakita ang resibo na namili o kumain sa kanila ay hindi na pagbabayarin ng parking fee?!

Hindi naman kasi natin maintindihan ang mga negosyante kung bakit sinisingil ang kanilang mga kliyente ng parking fee.

Talamak sa kanila ang SM malls, Robinsons, Rockwell at Ayala malls. Ganoon din ang paggamit sa comfort rooms, pinagbabayad ang mga kliyente.

Sana ay maaprubahan na agad ang house bill na ito ni Rep. Lopez dahil malaking tulong ito sa mga kliyente.

Suportahan po natin ‘yan!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *