Friday , November 15 2024

Kung ang protektor ay instrumento ng panunupil sino pa ang magtatanggol?

MALAKING kabalintunaan ang mga huling insidente nitong nakaraang linggo para sa isang beteranong mamamahayag — si Mat Vicencio.

Matapos mailathala ang mga kolum na kritikal sa isang opisyal ng pamahalaan na nakatutok sa kaligtasan ng mga mamamahayag, nabalitaan ni Vicencio na ipinagtanong ng una ang mga lugar na kanyang pinaglalagian o tinatambayan.

Hindi lang sa isa, kundi sa dalawang tabloid reporters ipinagtanong ang kanyang tambayan, na tila siya ay tinitiktikan.

Tuwing Lunes at Biyernes, lumalabas ang kolum ni Vicencio sa pahayagang ito.

Nitong nakaraang 27 Oktubre lumabas ang kolum ni Vicencio na tumalakay sa pagkakapaslang kay Christopher Ivan Lozada sa Bislig, Surigao del Sur.

Si Lozada ay naghain ng reklamo sa Ombudsman laban kay Mayor Librado Navarro ng Bislig.

Pinaslang si Lozada ilang araw matapos humingi ng tulong sa Presidential Task Force on Media Safety (PTFoMS) sa sunod-sunod na death threat na natatanggap niya.

Ang PTFoMS ay pinamumunuan ni Joel Egco, isang undersecretary sa tanggapan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Humingi ng saklolo si Lozada dahil makapangyarihan ang ‘kalaban’ niya at humihingi rin siya ng tulong para magkaroon ng ‘bodyguard’ dahil natatakot na rin ang kanyang pamilya.

Binigyan-diin ni Vicencio sa kanyang kolum na sinabi ng nasabing opisyal noong first anniversary ng Task Force: “This is fitting tribute to the first and probably the only Task Force in the world to aggressively advance press freedom by protecting the life, liberty and security of media workers and their families.

Hindi ito napatunayan ng PTFoMS official sa kaso ni Lozada. Katunayan, inamin din ni­yang, ang sulat kay Navarro na may petsang 18 Oktubre 2017, pirmado ng kanyang chief of staff na si Atty. Jay de Castro ay 24 Oktubre 2017 nila ipinadala.

Umaga nang nasabing petsa nang paslangin si Lozada.                  

Ayon sa kolum ni Vicencio, “Pero hindi malayong maulit muli ang pamamaslang sa hanay ng mga journalist kung ganito nang ganito ang pamamaraan ng trabaho ng Task Force. Hindi makatutulong sa mga mamamahayag sa kanilang pagharap sa panganib ang mga press release at propaganda ng tanggapan ni Egco kung hindi seryosong kikilos ang grupo.

Sa punto ng isang mamamahayag, ang talatang ito ay nagpapaalala kay Egco na dapat siyang magtrabaho sa konsepto bilang hepe ng PTFoMS at hindi bilang isang tagagawa ng press release na ipinamumudmod sa media.

Hindi siya itinalaga sa PTFoMS para gumawa ng press release at mag-propaganda kundi para makabuo ng isang buong sistema kung paano konkretong mapapangalagaan ang mga mamamahayag.

At hindi lang ang mga mamamahayag na may death threat kundi maging ang mga mamamahayag na sinasampahan ng kasong libel.

Ilang mamamahayag ba ang sinasampahan ng kasong libel dahil sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin?!

Bilang dating mamamahayag, gaya ng sinasabi niya, alam ni Egco, na ang Libel ay ginagamit na harassment ng mga nakakanti ng panulat.

Nagkasa ba ng legal department ang PTFoMS para sa mga mamamahayag na nanga­ngailangan ng abogado?

At sabi nga ni Vicencio, naisip ba niyang gumawa ng training kung paano tuturuan ang mga mamamahayag na nabibingit sa kamatayan?!

Hindi ‘yung photo op lang na hahawak ng baril at aastang parang CAFGU, kundi ano ang gagawin sa aktuwal na pagbira ng mga ‘assassin.’

Kung sa bagay, nakapagdududa kung kaya itong gawin ni Egco. Lalo na ang pagbibi­gay ng proteksiyon sa mga mamamahayag na nasasampahan ng kasong Libel.

Hindi pa nalilimutan ng HATAW D’yaryo ng Bayan ang insidente noong isang Easter Sunday, 5 Abril 2015 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinalubong ang dating presidente ng National Press Club (NPC) na si Jerry Yap, ang publisher at kolumnista ng pahayagang ito, ng mga pulis mula sa Manila Police District (MPD) at inaresto sa kasong Libel.

Si Egco ang presidente noon ng NPC. Walang nagawa o walang ginawa si Egco para mapigil ang pag-aresto kay Yap.

Pero ang higit na nakahihiya, bumuo ng fact finding team si Egco at sa huli ay inabsuwelto ang mga pulis na humuli sa dating presidente ng NPC.

Astang Poncio Pilato.

Ang hepe ng nasabing fact finding ay chief of staff ngayon ni Egco sa PTFoMS — si Atty. Jay de Castro.

Wala itong ipinag-iba sa nangyari ngayon kay Vicencio na matapos ipagtanong sa da­lawang tabloid reporters ang kanyang pinaglalagian ay nasundan ng ‘text message’ na pinagbabantaan ang kanyang buhay.

Hindi ka aabot ng pasko. Itutumba ka namin gago ka itigil mo banat sa akin.

‘Yan ang pagbabantang natanggap ni Vicencio nitong 22 Nobyembre 2017, dakong 5:59 pm.

Hindi tahasan, ngunit ayon kay Vicencio, kutob niya galing kay Egco o sa mga kasama­han nito ang nasabing pagbabanta kaya nagpasya siyang magpa-blotter sa pulisya.

Kung totoo ito, isa itong malaking kabalintunaan. Kung ang itinuturing na dapat magbigay ng proteksiyon sa mga mamamahayag ay pinagmumulan ng panunupil, pananakot at pagbabanta, sino pa ang magtatanggol?!

About hataw tabloid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *