KAABANG-ABANG ang mangyayari ngayong araw sa Kamara sa pagsisimula ng pagdinig sa reklamong impeachment na inihain laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Tiyak na kapana-panabik ang magiging palitan ng mga pahayag sa pagitan ng nagreklamo, ng inirereklamo at ng mga miyembro ng Kamara na didinig sa kaso.
Lalong magiging mainit ang resulta nito lalo pa’t nagpahayag na ang Chief Justice na wala siyang balak na daluhan ang pagdinig, habang nagbanta si House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi papapasukin ang mga abogado ni Sereno kung iisnabin rin niya ang pagdinig.
Ngayon pa lang ay nakikita na kung gaano magiging kausok ang mga balita tungkol sa banggaang ito. Huwag naman sa-nang umabot sa punto na magkaroon ng Constitutional crisis. Huwag din naman sanang mamersonal ang ibang miyembro ng Kamara laban sa Chief Justice, lalo na ang mga kongresista na minsan ay nakasalungat ni Sereno sa mabigat na isyu.
Kung maaari, si Alvarez ay magpakita nang pagiging patas; hindi ‘yung ngayon pa lang ay tila may sentensiya na siya kay Sereno. Hindi ba’t minsang tumestigo si Sereno laban kay Alvarez sa isyu ng Piatco noong mga nakalipas na taon? Kung talagang walang bahid ng paghihiganti si Alvarez kay Sereno, hindi siya naglalabas ng mga pahayag na tila nagdidiin sa Chief Justice, kundi magsasabi na hayaan na ang komite na tumimbang sa kaso ng Punong Mahistrado.
Kung ganoon ang mangyayari, baka maniwala pa tayo na wala siyang pagkiling sa kasong ito.