Friday , November 15 2024

Sobrang pang-aapi ng mga manlulupig sa pamilya Corona

NAKAGAGALIT na ang sobrang panggigipit ng Office of the Ombudsman, Sandiganbayan at mga nasa likod ng paghihiganti laban kay dating Supreme Court (SC) chief justice Renato Corona at pamilya.

Iniaapela ng naulilang pamilya ni Corona ang inilabas na resolusyon ng Sandiganbayan na pinapayagan ang Ombudsman na mabusisi ang bank accounts ng yumaong chief justice at biyudang si Cristina na naglalaman ng P P130.59-million.

Anyare, gayong noong una ay hindi puma­yag ang Sandiganbayan sa hirit na pagbusisi ng Ombudsman sa bank accounts, bakit biglang nabaligtad?

Hinihiling ngayon ng kampo ni Corona na ikonsidera ang huling resolusyon na inilabas ng Sandiganbayan.

Wala na si Corona at awtomatikong wala na rin ang mga inimbentong criminal case laban sa kanya.

Anong civil liability mayroon si Corona at kanyang pamilya para pakialaman ang bank accounts?

Hindi naman katiwalian ang dahilan kung bakit napatalsik si Corona sa puwesto kaya walang kinalaman ang bank accounts nilang mag-asawa para pag-interesan ng Ombudsman.

Ang isyu na ginamit laban kay Corona ay tungkol sa kanyang midnight appointment at hinatulan siya ng mga mambabatas na senador na tumayong impeachment court sa hindi lang pagkakadeklara ng bank accounts sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Alam ng publiko ang tunay na dahilan sa pagpapatalsik kay Corona ay bunsod ng marubdob na paghihiganti sa pagkakadesisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Hacienda Luisita na pumabor sa interes ng mga magsasaka.

Ang nakapagtataka ay kung bakit tahimik ang mga militante at kaliwang grupo na nanggugulo sa pamahalaan pagdating sa tahasang panggigipit sa yumaong chief justice at naulilang pamil­ya.

Ito ay sa kabila ng pag-amin ni dating senador Jinggoy Estrada na tumanggap sila ng suhol na pork barrel kapalit ng pagboto para mapatalsik si Corona sa puwesto bago siya makulong sa kasong plunder at pagbulsa ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ang mga grupong kaliwa na nagmamaskarang kalaban ng mga umaapi sa kapakanan ng mga magsasaka ay ‘yung mga nasa likod ng malaking sabwatan laban kay Corona ang suportado.

Napakabait talaga ng Ombudsman at Sandiganbayan, napakamaunawain nila sa mga nakakasuhan ng plunder na kahit walang piyansa ay pinapayagang makalaya.

Pero ang Ombudsman at Sandiganbayan ay malupit sa pamilya Corona na wala namang ninakaw na pera sa pamahalaan.

Nakaaawa na ang naulilang pamilya ni Corona dahil ayaw pa rin tigilan ng mga manlulupig na nasagasaan ang interes sa isyu ng Hacienda Luisita.


TAMBALAN
SA MANIPULASYON

PARANG kambal ang tambalan ng Ombudsman at Sandiganbayan sa pagbaluktot at pagtarantado sa mga kaso ng pagsasamantala sa pamahalaan.

Sa Ombudsman, kung hindi nabuko ay muntik nang mabangketa ang plunder case laban sa dalawang mandurugas na dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sina Al Argosino at Michael Robles na itinurong nangikil kay Jack Lam ng P50 Milyones.

Ipinagmamalaki ng Sandiganbayan na kesyo mas marami raw silang nadesisyonang kaso ngayong 2017 kompara sa mga nakaraang taon.

Pero hindi sinabi ng Sandiganbayan kung ilan sa kanilang naresolba ang yaring-karera o lutong-Makaw.

Sana sa susunod ay ipaliwanag ng Sandiganbayan kung paano nilang nagagawang palayain ang akusado sa kasong plunder na walang piyansa.

Ipaliwanag din dapat ng Sandiganbayan kung ano ang pakialam ng Ombudsman sa pagbasura nila sa mga kaso ng pagnanakaw at pandarambong gamit ang “right to speedy trial” sa Saligang Batas.

Hindi ba ang Ombudsman ay katumbas ng prosecution? At ang trial ay ‘di ba paglilitis?

Aba’y, kaawa-awa naman pala ang mga nasa Ombudsman at mga mahistrado ng Sandiganba­yan dahil pagod na pagod sa kaiisip kung paano mababaluktot ang batas at mga desisyon para pumabor sa may panuhol.

Pwe!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *