ITINIMBRE muna sa barangay at Manila City Hall ang dapat sana’y sorpresang paglusob ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo “Danny” Lim at kanyang mga tauhan sa matagal nang salot na illegal terminal sa Plaza Lawton, kamakalawa.
Ito ay ayon mismo sa isang tauhan ng MMDA na kasamang dumating ng grupo ni retired Army Scout Ranger Gen. Lim sa area of responsibility na sakop ng Bgy. 659-A ni Chairwoman Ligaya V. Santos.
Aniya, “Isa sa mga naging problema nga rito ay ‘yung pagpayag ng barangay sa pagpa-park dito sa lugar na ito at pagkakaroon ng terminal. So ang inisip nila, merong ibinabayad itong UV Express na ‘to para mag-terminal dito sa mga barangay. Kaya isa sa mga kinausap ng MMDA, ‘yung chairman ng barangay at ‘yung coordinator mula sa LGU ng Maynila para nga hindi na maging parking area ito ng UV Express.”
Sa panayam ng ilang media, inamin din ni MMDA asst. general manager Jojo Garcia na bago pa sila sumulpot sa Lawton ay nakipag-coordinate muna sila sa barangay chairman at sa Manila City Hall.
Teka, Gen. Lim, ano nga pala ang pagkakaiba ng terminong “coordinate” sa ‘timbre?’
Katunayan sa mga kuha ng video ay kasama na nilang dumating sa lugar ang ilang tauhan ng Manila City Hall at ang isang barangay kakawat, ‘este, kagawad na isinugo ng kanilang kupitana, ‘este, kapitana pala.
‘Yan ang dahilan kaya’t hindi nadatnan ni Gen. Lim at ng mga miyembro ng media ang mga nakabalagbag na pampasaherong bus, kolorum van at UV Express na araw at gabing pumaparada sa paligid ng Plaza Lawton at bumababoy sa monumento ni Gat Andres Bonifacio.
Mabilis din nailigpit at naitago ng mga illegal vendors ang kanilang mga paninda.
May isang reporter ang nagtanong kay Garcia kung saan galing ang pahintulot ng gawing illegal terminal ang lugar.
Sagot ni Garcia, “Walang nag-allow niyan. Siguro nasanay lang ang mga tao na pumunta rito. ‘Wag na lang tayo’ng magsisihan kung ano nangyari sa atin. Ang importante, moving forward tayo…”
Aba, pinalalabas ni Garcia na ang publikong mananakay pa pala ngayon ang may kasalanan sa illegal terminal para makaiwas na sagutin ang tanong.
Isang babaeng reporter ulit ang nagtanong: “Sir, hindi ba natin paiimbestigahan kung may binabayaran?
Tugon ni Garcia, “Hindi na siguro. Mabuti, ngayon malinis na tayo. Ang importante ngayon, moving forward tayo. Mahirap kung nagse-search tayo. ‘Wag na natin balikan ang nakaraan.”
Hindi ba malayo ang sagot ni Garcia na parang may gusto siyang pagtakpan at protektahan?
Puwede kayang ikatuwiran nina Gen. Lim at Garcia kay Pres. Rodrigo “Digong” Duterte na “moving forward na tayo” din ang gawin sa mga walanghiya at may atrasong opisyal sa nakaraang administrasyon?
Halos magdadalawang dekada nang binababoy ng mga walanghiyang sindikato na nagkakamal ng limpak-limpak na salapi sa raket ng naturang illegal terminal na milyones ang iniaakyat na kita sa ilang mataas na local government at police officials sa Maynila.
Tulad ng ibang parke, ang Plaza Lawton at Liwasang Bonifacio ay itinuturing na sagrado at ipinagbabawal sa batas na pagkakitaan, o kung tawagin ay “beyond the commerce of man.”
‘Yan ang dahilan kung bakit ngayon, isinasara na sa publiko ang Luneta pagsapit ng hatinggabi para hindi mababoy sa mga taong ang pakay ay matulog at magtinda roon.
Umuusok ang mga nabasa nating reaksiyon sa ipinosteng video ng MMDA sa Facebook account ni Gen. Lim na kuha sa Lawton na habang isinusulat ito ay nasa mahigit 11,000 views.
May dahilang pagdudahan ang kakayahan ng MMDA na tuluyan na nga nilang nabuwag ang illegal terminal na magdadalawang dekada nang prehuwisyo sa trapiko at pinagkakakitaan sa nasabing barangay.
Marami sa followers ng naturang FB account ni Gen. Lim ang naniniwalang kasama ang mga alipores ng MMDA na kumikita at namamantikaan kaya hindi nabubuwag ang mga illegal terminal.
Ang tanong: Sinibak ba ni Gen. Lim ang sector commander ng MMDA na may sakop sa Lawton at Maynila?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])